Entry: [Update] Hi I'm En and I'm Alcholic Thursday, May 01, 2008



Minsan lang mangyari na masasayaran ng alak ang lalamunan, tiyan, at bituka ko nang halos walong araw. Nangangamba nga akong maging isang tuluyang bisyo na ang paglalaklak ko, isang bisyo na nangangailangan ng support group tulad ng Alcoholic Anonymous (AA) upang masugpo. Noong mga nakaraang araw na tuloy-tuloy ang pag-inom ko, isang sadyang pagdidikta iyon sa sarili na kailangan kong magpakasaya kahit papaano. Itapon ang pangangamba sa pagpasok sa bagong karera, itapon ang suliraning maaring kaharapin lalo na sa pinansyal na aspekto na dulot ng pagiging tambay.

Matapos ang huling araw sa trabaho, binasag ko ang nakasanayang pagpapakain sa despidida. Naimpluwensyahan na rin ng mga laklakero sa team ang ilang hindi manginginom kaya imbes na pansit, pichi-pichi, at barbeque, Red Horse ang naging handog ko sa kanila sa aking pag-alis sa opisina. Hindi pa kami nakuntento sa may Grilla, nag-videoke kami sa Cubao para masulit ang gabi hanggang sa datnan kami ng umaga. Wasak na ako nang makauwi, pero imbes na matulog, naligo ako para pumunta ng pier para habulin ang barkong papuntang Bacolod. Hindi ko na rin maalala kung saan ko nailapag o nahulog ang ilan kong pera (wag nang magtanong, mababd-trip ako).

Sa Superferry 1, hindi ko na namalayan ang pag-alis ng barko. Basta natulog na lang ako. Tulad ng inaasahan ng mga ilan kong kakilala, alam nilang inom ang pupuntahan namin dun ng ka-LIRA at katoma kong si Charles. Nang mahimasmasan ako sa amats, nilibot namin ang buong barko na kung tutuusin kaya naming libutin na wala pa sa labinlimang minuto. Tumambay sa may sundeck, tiningan ang kalawakan ng dagat, ang paglubog ng araw kung saan inaalam namin kung asan ang hilaga. Pagdating ng gabi, tumambay kami sa may kainan ng barko, nakinig sa medyo sintunadong mang-aawit, sa mali-mali nilang pronunciation ng mga lirikong Ingles. Nakakaengganyo ang mga mesang pinupuno ng mga pitsel ng serbesa at pumuputok na tsitsaron. Kahit dolyar ang presyo ng pitsel ng beer gayundin ang malaking patong sa Dingdong mixed nuts, napilitan kaming uminom. Isang paghahanda sa mahaba-habang tagayan na magaganap sa Bacolod kasama ang mga kapwa namin co-fellows.

Umaga nang dumating kami ng Bacolod. Mahal ang taga sa amin ng taxi driver papuntang University of St La Salle, kaya napilitan kaming mag-commute. Isang paraan na rin yun para maging pamilyar kami sa lungsod. Ibang-iba ang hangin sa Bacolod, mas vibrant ang dating nito kumpara sa Manila. Umaga pa lang, ramdam mo nang nakangiti ang mga tao. Nandoon din siyempre yung accent nilang malumanay. (Minsan akong nanood ng local news program nila kung saan ginagaya nila ang authorative na pagbabalita nila Mike Enriquez at Ted Failon pero hindi nilang maiwasan na pumilantik ang malumanay na accent). Akala namin ni Charles kami ang nauna sa Balay Kalinungan, ang pagdadausan ng Iyas Creative Writing Workshop, pero mas nauna sa amin ng ilang hakbang si Mar dela Cruz, isa ring fellow para sa Filipino fiction at kasama rin sa barko pero hindi namin nakita. Matapos ibigay ang mga kuwarto namin, nagpahinga kami at siyempre nilibot ang eskuwelahan gayundin ang mga kalapit establishment doon. Unti-unti nang nagsidating ang mga fellows, at ilan sa kanila ay mga kakilala ko na. Instant bonding kaagad kami kaagad nila Charles (ka-LIRA), Mitch Cerda (nakilala noon sa Ateneo National Writers’ Workshop), Margie de Leon (co-fellow ni Mitch sa ilang writers’ workshop at nakilala ko rin sa Ateneo), si Carlo Flordeliza (kaibigan at kasama sa Malate ng madalas kong kainuman na fellow sa LIRA si Christa) at si Ida Del Mundo (gf ni Carlo, buti wala silang LQ at walang nagbasag ng lampshade sa ulo). Patok siyempre yung mga pop culture references namin dahil halos magkakaedad lang kami tulad nila Susie and Geno, etc etc. Nag-aadjust din kami sa lugar at malaki ang tanong namin ukol sa mga mala-lapidang plake na nakadikit sa bawat kuwarto. Halos iyon ay may mga nakasulat na ‘In Memory of …’ kaya nagkakatakutan na rin halos. Bago pumunta sa bahay nila Doc Elise Coscuela halos nag-ipon-ipon na rin kami sa may lobby. Si Jeff Yap (English Fiction) na lang ang kulang halos sa mga fellows na kinabibilangan namin (En (Filipino Poetry), Charles (Filipino Poetry), Mitch (Filipino Fiction), Margie (English fiction), Carlo (English Fiction), Ida (English Poetry), Mar (Filipino Fiction), Jessel Duque (English fiction), Hedwig de Leon (English Poetry), JV Perez (Hiligaynon Fiction), JM Acut (Sugbuanon/English Fiction), Jonathan Siason (English Fiction) at Yvonne Esperas (English Poetry) kaya hindi pa kami makaalis. Naikuwento ko yung isang gumagalang balita ng mga kidnapper na nangunguha ng mga bata at kinukuha ang mga laman-loob ng mga ito. Puting van ang palatandaan ng sasakyan ng mga kidnapper, kaya noong paalis na kami medyo creepy ang experience dahil ang sasakyan namin papunta kila Doc Coscuela ay puting van. Sa buong biyahe katuwaan na ang magtanungan kung buo pa ang mga kanya-kanyang kidney. Kila Doc Coscuela, binusog kami ng paella at ilang putahe na hindi ko alam ang pangalan basta masarap sila. At siyempre, may lechon din na inihanda, at ang masarap sa lechon, ang uminom ng beer. Kaya sa unang gabi namin sa Bacolod, nasayaran ng alcohol ang mga tiyan namin. Wala na kaming pangamba na kunin ang mga kidney namin dahil dysfunctional na iyon kapag mailipat sa ibang katawan. Kumbaga ‘Alak pa!’ ang unang isisigaw ng masasalinan ng aming kidney.


Nahirapan akong matulog sa una naming gabi sa Bacolod. Namamahay ang tawag nila doon. Hindi ata naging sapat ang nainom ko ng gabing yun para makatulog ako. Kinaumagahan nakabuo kami ng code para makabili ng maiinom. Tawag namin sa alak nung nasa Ateneo Writers’ Workshop kami ay toothbrush (nawala ang sepilyo ko at kung makakabili kami nito isasabay namin ang pagbili ng alak), ngayon load ang ginawa naming pagtawag sa alak. Ilang araw pa ay mabubuo ang Txtm8rs Lexicon, ang official code para sa mga manginginom ng Balay Kalinungan. Matapos ang unang araw ng intense katayan (yung mga moments ng katayan iwan na natin sa documentation ni Miss May Ann) mula sa mga panelist na sila Doc Coscuela, Ma’am Marj Evasco, Doc Tony Tan, Sir Danny Reyes, Sir John Teodoro, at Ma’am Gen Asenjo naghanap kaagad kami ng load. Sinimulan namin sa pinakamalapit na convenient store pero wala hanggang sa makarating kami sa may Bacolodnon Supermarket. Tila paghahanap sa banal na kalis ang paghahanap sa alak. Siyempre, binabalak namin na ang Balay Kalinungan ang gagawin naming cellsite kaya kailangang ipuslit papasok sa unibersidad ang mga load. Tila isang utos ng hari ang salitang ‘Iyas’ sa mga guard doon (pati na rin yung yosi na bawal sa USLS ay nagagawa ng mga kasama kong humithit na walang iniintinding pagbabawal). Sabi nga ni Carlo, sa susunod dadala na kami ng shotgun at sasabihin naming ‘Iyas’para makapasok na walang tanong-tanong. Sa mga sumunod na gabi, ganito palagi ang ginagawa namin. Pupunta kami ng Bacolodnon Supermarket. Bibili ng alak, ilalagay sa bag ni Margie at papasok sa USLS at sasabihin ang magioc word na ‘Iyas’.

Madalas na napag-uusapan sa inuman ay pop culture kasama na ang musika, pelikula, pati telebisyon, debate sa kultura at sining, at mga psychological tests ni Margie. Gabi-gabi iyon hanggang Biyernes ng gabi. Nang umaga ng Sabado, hirap na ako tumayo. Sumipa na yung alak (apat na Emperador at may naipseed dial na chaser kaya naging malamig na San Mig 3 in 1 coffee ang naging dial namin nung huling gabi). Sa buong Iyas experience namin hindi kami nalalate sa discussion at nagagawa pa naming mangatay kaya tolerated ang pag-inom namin doon. Papuntang Mambukal Resort, baliktad na ang tiyan ko. Lahat nang nakakain ko, naiduduwal ko. Sa dipping pool na isang hot spring, natanggal yung amats ko. Kasabay ng mainit na tubig ay ang pagtingin sa mga lumilipad at/o nakasabit na mga kabog. Pero pagkabalik sa Balay Kalinungan, diretso ako sa kama hanggang sa magdilim. Noong gabi, sa Manukan Country kami kumain. Siyempre di sulit ang Bacolod experience kung wala ang Inasal experience. The best talaga ang isol na sarap na sarap ako sa pagpapak, naghanap ako ng malamig na serbesa pero inisip ko na rin na tama na ang kaiinom. Bibigyan ko ng tuldok ang laklak session ko ng araw na iyon, at simula nung araw na iyon hanggang ngayon di nasasayaran ng kahit anong alak ang lalamunan ko.

Paging, Txtm8rs, kelan ulit tayo magloload. Sa susunod Smart naman tayo. Suggest na kayo ng cellsite natin.

Official TXTM8RS Inuman Lexicon

Load – alak/alcohol
Magload – tumagay
Dial – chaser
Magdial – uminom ng chaser
Text – pulutan
Deadbat – nagsuka
Lobat – tahimik
Charging – tulog
Cell site – inuman/lugar
No network coverage – walang mahanap na lugar
Line – free flowing alcohol
Pasa-load – tagay nang kaunti
All text – puro pulutan
Speed dial – matakaw sa chaser
Missent – naitagay sa mali
“wer n u” – “nasaan na ang tagay?”
“d2 n me” – “narito ang tagay”
sun – gin
globe – grand matador/hard
smart – san mig/beer
Vodafone – wine

   6 comments

Enrique
May 22, 2008   11:36 AM PDT
 
oo nga. bruskong-brusko. set na rin ninyo kung kelan tayo load.
moon
May 19, 2008   10:52 AM PDT
 
try ko nga....

en, magload naman tayo sa June kaso no network coverage eh. line ba kayo? kasi ako pasa load lang o di kaya all text. baka brasuhin ako ni mister eh...

o siya, globe tayo ha, di ko trip yung sun eh.

O-HA!!!
bruskong brusko. wahah
Enrique
May 11, 2008   04:23 PM PDT
 
naku, xta makakasama mo yung mga kakilala kong manginginom sa susunod na palihan. hala! ihanda ang atay.
xta
May 10, 2008   12:07 AM PDT
 
apat na linggo na lang. masasayaran na ulit ng alak ang lalamunan mo. =p
Enrique
May 5, 2008   01:06 PM PDT
 
oo nga eh. iba talaga pagtambay. bwahahaha
mar anthony
May 3, 2008   01:47 PM PDT
 
haha. ang haba ng entry a. load na!

Leave a Comment:

Name


Homepage (optional)


Comments