|
Enrique Villasis Nakalatag na mapa ang katawan Sa tuwing ikukubli namin sa ngalan Ng mga anyong-lupa ang mga bahaging Tinatago ng saplot: ang mga nakaumbok Na laman ay bundok o bulkan Kung bumubulwak ng gatas o tamod. At sa mga inosente naming hagikhik, ilahas Ang mga imahenasyong gumagalugad sa kasulukan Ng laman. Sa bawat paglalakbay, bitbit namin Ang mga pangambang mahuli ng matatanda, Ang tampal sa bibig, asin sa tuhod, ang lisik Ng mga matang sumusugat sa aming pagkamulat. Altar ang katawan, sagrado ang laman. Baon-baon ko ang mga lihim na ngalan Nang inilatag ko ang iyong likod sa umaalon-along Kumot. Sumisila ang ilang alaala-- Kung papaano namin hinuhubog ang libog Sa pagbuo ng mga suso mula sa buhangin at bigyan Ng pangalang Makiling, Mayon, Sinukuan. Sa alamat, hinulma't nilutong luwad ang lawas. Hinubad ko ang mga pagkilalang ito sa katawan Nang iginiya mo ako sa pagitan ng iyong mga kiliti. Estranghero ang aking mga halik at ligalig ang ilang Na mga haplos. Sinisimsim ko ang unang pagtapak, Kinikilala ang kasukalan ng bawat pagbalikwas. Sa dulo, bulong mo, kapwa natin matatagpuan Ang misteryo ng katawan. Malayo sa hiwaga Ng heograpiya, pagdurugtong ko. Nagkabitak-bitak Ang iyong hininga't inararo ng iyong kuko Ang aking likod nang nagsalikop ang init Ng ating mga katawan, kapwa nag-aalimuom. Domingo Pascua Enrique Villasis Pinapangatal ng mga nahulmang mukha sa usok Ang mga dahon. Ngayon lamang kami nakapaglinis. Mistulang sementeryo ang bakuran Simula nang pagkakapako, simula ng huling batingaw Ng simbahan. Naglagas ang mga puno kasabay Ng paghihinagpis ng mga matandang babae, humihingi Ng kapatawaran para sa asawa, anak, sarili. Isinakatuparan nila taon-taon ang habilin ng Maestro. Kanina, nadinig namin ang unang kalembang Kasabay ng unang tampisaw. Hinuhunos ng lamig Ng tubig ang mga namuong pangamba sa pagkamatay Ng Panginoon--ang pagsalakay ng mga aswang, Ang tukso ng mga demonyo. Muling nagkatagpo Ang kutsilyo, sangkalan, at karne sa kusina. Sa kalan, Sumisirit ang mantika, bawang, at sibuyas. Muling Nabuhay ang pagkatakam namin sa laman, at sa labas Umaawit ang mga kerubing may mga huwad na pakpak. |
| Name May 24, 2009 02:24 AM PDT wow cool! matahum! edwin rivera abayon e.abayon@yahoo.com | ||
| Leave a Comment: |