|
Enrique Villasis At tulad ng balita sa pagkalambat sa kataw, lumangoy ang pag-aalinlangan na may nasilong segben. “Papaano mahuhuli ay kay bilis nitong tumakbo,” pagdududa ng kapitan ng baranggay. “Nasa pangangalaga ng mga aswang ang nilalang,” pagpapaliwanag ng albularyo. “Kathang isip lamang ito at nahihibang lang si Tonyo,” pagpapatuloy ng bagong abogado. “Simula nang mamatay si Piling nabuwang na yang si Tonyo,” paglalahad ng tsismosa. Wala ang kabiyak na tsinelas kinakaladkad ni Tonyo ang tapang na iharap ang nahuli. Sumisingaw ang kurtinang-alinsangan ng katanghalian nang sinuong niya ang uka-ukang kalsada, hila-hila ang walang lamang hawla. Sa mga kabahayan habang kumakalansing ang mga kubyertos, kinubkuban ang kanilang hapag ng sumusulak na amoy. Nakakasulasok. Iba’t-iba ang amoy batay sa edad: nasusunog na patay na daga para sa mga bata, nabubulok na isda sa umaalimuom na kalsada para sa matatanda. Ang mga isinusubo ay kani-kanilang naiduduwal. “Iyon na ang segben,” at nasamid sila sa kanilang mga naunang pahayag. Sumirit ang pagsisiguro. Sinilip ng taumbayan si Tonyo na huminto sa sangandaan, sa sentro ng kabayanan, sa tapat ng plasa, simbahan, pamilihan, at bahay-pamahalaan. Wala silang nakita kundi ang walang lamang hawla. May ibang naglabas ng himutok, may ibang nagpakawala ng uyam. Dumaluyong ang kanilang saloobin. Sumagimsim kay Tonyo ang nangyari sa mangingisdang nakalambat daw ng sirena: sa institusyon ito humantong. Subyang ang dinulot na kahihiyan kaya ipinatapon kahit ng mga kamag-anak. Umaagos ang taumbayan patungo kay Tonyo. May ibang bitbit pa ang kanilang kutsara, may ilang may mumo pa sa labi, ang iba’y hindi na nagawang magpalit ng kanilang damit na may bakas ng tumambalik na tiyan. “Ipapakulong kita,” pagsusumbat ng tsismosa. “Maari kitang kasuhan at pagbayarin sa naiduwal kong letson,” pananakot ng bagong abogado. “Ipapatapon ka namin sa mental,” pagtatapat ng albularyo. “Oo, magsasama na kayo ni Macario,” pagsususog ng kapitan ng baranggay. Sa munting daigdig ng kawalang laman ng hawla, pinunan ito ng lilim, ng dilim. At sa mga nagsalikop na anino unang lumitaw ang pulang mata, sinundan ng maiitim at tayong-tayong tainga. Alanganing aso, alanganing kambing ang bumungad sa mga dumating. Maiksi ang harapang binti na tila tumutuwad na tao. At sinakluban sila ng hilakbot nang makitang tila damong ginagapas ng matutulis na ngipin ang kani-kanilang anino. At sa pagsulyap ng pulang mata sa mga nangangatog na balintataw ng taumbayan ay ang pagbalingungoy ng bawat isa. Wala pang isang buwan nang mamatay ang bayan. At sa bawat inilalamay, tatlo o apat na segben ang nakikibisita. At nang dumating ang gabing hindi nasilo ni Tonyo ang huling hininga umangil ang kidlat at nilukuban ng masangsang na amoy ang kanyang kubo – tila isang nabubulok na isda sa maalimuom na kalsada. |
| Name August 23, 2008 04:45 AM PDT segben sigbin. pareho ba? (may binasa akong lumang tula sa conspi na may sigbin. hehe.) | ||
| Enrique August 6, 2008 08:01 PM PDT @mitch - yan nga yan. pero sabi ni kiko may bahid ng egay, malamang hanapin ko yun. | ||
| Mitch August 6, 2008 07:56 PM PDT Ito ba yung "tikbalang" na sinasabi mo? :D | ||
| Kikomontesena August 4, 2008 08:58 AM PDT aba aba aba at tila may bahid na ito ng mga obra ni Sir Edgar Samar ah! mahusay. | ||
| Leave a Comment: |