|
Enrique Villasis May handog na pag-asa ang awit na namamayagpag, Ayon sa bokalista. Nadarama ng mga manonood Ang humihinang ulan at mga bata silang nabiyayaan Ng kalayaan nang nilisan nila ang mga sinilungan. Pinalitan ng habagat ng himig mula sa gitara at hugong Ng tambol ang kaninang binabasang kasiyahan. Ang kaninang tikatik, ngayo’y titik na kumakawag Sa parke at mga tili ng pagsamba mula sa manonood. Elemento ng paglikha ang musika, ang unang linyang Sumagi sa isip ng isang makata minsang pinaglimian Ang sinusulat na tula. Jazz ang nagroromansa sa kanyang Pananaludtod. Kung minsan blues ang kanyang kaulayaw. Isinasalin niya sa mga saknong ang pakikipagtalik Kina Beethoven, Mozart, Ellington, at Fitzgerald. Maaring subyang sa kanya ang musika ng bandang Halos mga ibong nag-antay sa pagtila ng ulan. Ngunit walang sugat sa talampakang inakay ng mongoloid Ang paralitiko patungo sa damuhan ng parke. Sa koro, Inilabas ng bokalista ang saloobin ng awit – Tuloy, tuloy Ang ikot ng mundo, di ito hihinto para lang sa’yo - At walang pakialam na isinayaw ng mongoloid Ang kasama. Nakatuping daliring inilagay Ng paralitiko ang kanyang kamay sa bukas kamay Na kasayaw. Nilula nila ang isa’t-isa sa daluyong Ng awit. Mga mukha nila’y binasa ng kasiyahan at lumulundag Ang kanilang damdamin kasabay ng pagtatalon ng bokalista. Matapos isulat ang tula, aayain ng apo ang makata Na sumayaw sa saliw ng disco. Iling ang isasagot ng matanda. Nanakit ang aking buto isasagot niya. Bubuksan ng bata Ang stereo at sasayaw sa harap ng lolo. Iaabot niya ang kamay Na tatanggapin naman ng makata. Magbabalik sa kanya Ang unang linya ng katatapos na tula habang hawak-hawak Ng kanyang apo ang matanda niyang beywang at pakakawalan Niya ang damdaming tila ibong nag-aantay sa pagtila ng ulan. Ang Pasada ng Banda Enrique Villasis Matapos ang muling pagpito ng pinuno, pumaimbabaw Ang palahaw ng musika mula sa torotot at tambol. Nasa harapan sila ng sementeryo nang nagsaliwa Ang hampas ng mga mananambol at napiyok Ang pag-ihip ng manonorotot. Nilibot nila ang bayan, At nilimot ng mga taumbayan ang kanilang hatid. Walang humahabol na mga bata at tanging kahol Ng mga aso ang nakikisabay sa kanilang martsa. Dinungaw sila ng mga babae at napaantada sa hila- Hila ng kanilang pila. Walang piyesta kaysaya ng musika, Ang sumagi sa isip ng mga nakadungaw. Naghagis Ng barya ang nagtitinda ng isda. Pampaligaw sa malas Habang banda’y rumarampa. Hindi nakisabay ng busina Ang nakasalubong na dyip. Usad uod nang matanaw nito Sa malayo ang mga nakaputing musiko at nang makalagpas, Kidlat itong kumaripas at walang lingong lumayo. Sa pagpasok ng kabaong at nakikiramay sa loob ng kapilya Pinasadahan na ng banda ang paghahanda sa paglalakbay Ng yumao. Bumakat ang pawis sa kani-kanilang uniporme, Mapa ng kanilang paglibot at tanda ng kanilang pag-aantay Sa darating na piyesta. Sa ngayon, wala silang maiuuwing Pagkain at sariling tiyan lang ang kaya nilang busugin. Isang Tulang Naisulat Matapos Tanungin Ang Sarili Kung Ano Ba Ang Emo Enrique Villasis Tayong anak ng lumbay lamang Ang ganap na nakakilala Ng ganyang melodiya at lirik Mike Bigornia, Only The Lonely Isipin mo ako, malayo, sapat na sukat ang hindi ako Ganap na madampian ng kasiyahan ng kabilang mesa. Sa bawat pagtungga ng serbesa namumukadkad Ang subyang na hatid ng musikang bumubukal Sa enteblado. Sa madilim na sulok ng aking pag-iisa Kasinlamig ko ang mga yelong natutunaw. Isipin mo ako habang patuloy na hinihele ng awit Ang mga naimpok kong lumbay. Isipin mo ang sinisipon Na hapon, ang namimilog na patak ng ulan Sa bintana ng bus na maghahatid sa akin pauwi. Ritmo ng sawing pangarap ang tikatik na kumakatok Rito. Isipin mong ninais kong ilabas ang kamay, At kahit butil ng luha ng gabi’y meron akong maiuwi. Isipin mong ninais kong mangarap, ngunit sadyang Lipad banog itong hindi ko maabot. Isipin mo ako sa bawat pagtatapos ng awit, nasa Rurok ng paglilimi sa dalamhati. Sa loob ng silid, Isasataludtod ang mga hindi maisaimaheng damdamin. Isipin mo ako tulad ng pag-isip mo sa ninakawan Ng bait, mga makatang nagsusulat ng saknong Sa pulso. Isipin mo ang paruparong aklat na nadapo Sa tila bagong pitas na rosas na sahig. Isipin mo ako, Tulad ng isang sawing inuulit-ulit ang lumbay ng awit. |
| Leave a Comment: |