|
Enrique Villasis Pagmasdan ang manikin na nakaupo sa harap Ng mesa: nakatitig sa mga kalat—tanda ng pagdaan Ng alimpuyo ng damdamin. Tumaob na bahay Ang mga pinggan at nagkalat na katawan Ang mga mumo. Tumatagaktak ang butil Ng tubig mula sa mantel. Sa magkasalikop Na palad ng musmos sa sala nakatago Ang kanilang kaligtasan. Inaantay ko ang dilim Sa loob-loob ng bata. Sa labas, nagsisimula Nang mag-unahan ang tunog-latang takbo Ng mga traysikel at ang tangi nilang iwa’y Mga usok na hindi na maaninag. Umaalimbukay Ang singaw ng semento habang naging gintong Butil sa ilalim ng posteng ilaw ang unang ambon ng Hunyo. Sa loob ng bahay, lumalapnit ang hagupit Ng sinturon sa puwit ng bata. May salamangka Sa kanyang mga palad: tumagos ang liwanag Sa pagitan ng kanyang mga daliri. Mas humapdi Ang bawat paglapat ng paha sa kanyang balat. Napausal siya ng dasal at naglaho ang kanyang mahika. Pagmasdan muli ang manikin, wala siyang Nakikita kundi ang dilim, dilim, dilim. Daga Enrique Villasis Umiilandang ang kanilang kaluskos sa madaling Araw tila mga nang-uuyam na lasenggo, At sa mga sandaling nauulinigan ko ang kanilang Mga kukong kumakayod sa kisame Mulagat akong babangon upang sila’y katukin. Tinatawag natin silang mababait dahil marunong Silang magtanim ng galit kapag nasabihan Ng peste o hindi kaya kapag minumura Ngunit sa bawat alimpungat na hatid nila’y Malulutong na katok gamit ang tambo’t Tikom na bibig ang lumulundag sa akin Habang iniinda ko ang pagnuot sa sentido Ng kaninang nakakangilong pagkakayas. Natuto na akong matulog na may katabing walis, pangkatok at panghampas sakaling mahulog silang tila kometa. Isa… dalawa… tatlo… apat silang marahil na baba animo’y anghel ng pagtutubos—handang tumikim sa nagpapawis kong balat, sa aklat na nagkalat sa sahig at mga damit na walang kalaban- Labang nakasampay. Sa kadiliman ng silid, Santelmong magpapagala-gala ang kanilang Mapupulang mata at sa bawat pagtigil Tutupukin ng kanilang mga ngipin Ang anumang bagay na kanilang makagat. Ningas ang balita noon sa bayan nang may isang Sanggol ang ginawa pulutan ng mga daga. Bawat lungga’y tinapalan ng tabla, Ang iba’y sinemento bilang panabla Sa kanilang pananalot—tanging ito lamang Ang magagawa ng taumbayan. At sa kalaliman Ng gabi, nanunuot sa kani-kanilang sentido Ang kukong kumakaluskos sa bawat sulok ng bahay. |