Royalties Not Included: Read at your own RISKS



Thursday, May 22, 2008
[Kuwento] Kaputol

* ito sana ang kuwentong inihabol ko sana para sa palanca pero hindi ako confident. isa ito sa mga kuwentong nakabatay sa nauna kong tula na Kaputol din ang pamagat.

Kaputol

Enrique Villasis


Sa ikalawang pagputol ng kanyang binti, binigyan na namin siya ng taning.
“Matagal na ang apat na taon,” wika ni Papa matapos ipaubaya sa mga taga-ospital ang pagtapon sa pinutol na binti. Isasabay ang kaliwang binti ni Mama sa mga sinusunog na heringgilya, bulak, gasa, at mga kumot at kubre-kamang ipinantakip sa mga namatay. Wala pang dalawang taon simula nang pinutol ang kanyang kanang binti. Hindi niya ibinalita sa amin ang gumagapang na nana at impeksyon na kumakain dito. Itinago niya iyon tulad ng pagtatago niya sa amin na unti-unti na rin siyang binubulag ng diabetes. Kung hindi lamang umalingasaw ang masangsang na sugat habang halos tumirik na ang kanyang mga mata dala ng mataas na lagnat hindi namin malalaman na unti-unti na pala siyang nabubulok.
“Matigas kasi ang ulo ng nanay niyo,” naibulalas ni Papa. Galing Saudi, ibinenta niya kaagad ang mga naninilaw niyang mga alahas para lamang may ipanggastos sa operasyon ni Mama. Nang araw na pinutulan si Mama ng kanang binti, parang naputulan din kami ng kanang binti. Dinaing ni Papa ang mga naipon niyang alahas na kulang pa sa susunod na operasyon ni Mama para sa kanyang mata.
Kahapon lamang dumating si Papa mula Saudi. Pagkapasok ni Mama sa operating room ang siyang pagdating niya. Iniwan niya lang ang mga gamit sa bahay at diretso siya kaagad dito sa ospital. Hindi tulad ng mga uwi ni Papa na nainilaw siya dala ng mga suot na alahas, halos ang nanlilibag na leeg ang nakita namin.

Tsokolate ang unang hiningi ni Mama nang magising ito. Malutong na mura ang sinagot ni Papa. Matamis na ngiti lamang ang naibalik ni Mama. Iginalaw niya ang kaliwang hita, kinapa ang nawawalang bahagi ng katawan. Sinapo niya ang bendang nakabalot sa sariwang sugat.
“Mabuti na lamang naagapan,” sambit ni Mama habang hinihimas ang naiwan sa naputol na bahagi ng katawan. .
“At may balak ka pang patagalin,” pang-uuyam na sagot ni Papa. Simula nang naputulan si Mama ng binti dahan-dahan ang pagnipis ng katawan ni Papa. Mataba siya dati na madalas ipinagmamalaki ang dahan-dahang lumulubong tiyan dala ng kakainom ng serbesa’t alak. Sumasabay sa pagnipis ng kanyang katawan ang pagliit ng kanyang tiyan. Mabilis na rin ang pagnipis ng kanyang buhok na madalas nakababad sa init at hangin ng disyerto. Inaantay namin ang tuluyang pagpayat at pagkapanot ni Papa ngayong dalawa na ang nawala kay Mama.
Tiningnan ni Mama ang mga nakapatong na prutas. Inisa-isa niya ang mga ito. Ponkan. Mansanas. Saging. Mangga.
“Dumaan kanina si Anthony para diyan. Pumasok ang anak mo. Finals pala nila ngayon,” nang mapansin ni Papa ang pagtingin ni Mama sa mga nakapatong na handog.
“Mabuti na lamang nabayaran na kaagad ang tuition ni Anthony,” sagot ni Mama.
Naglakad si Papa patungo sa paanan ni Mama at naupo sa tabi nito. Nag-ingit ang kama nang naupo si Papa.
“Ipagbalat mo nga ako ng ponkan, anak,” utos sa akin ni Mama. Kumuha ako ng isa at sinimulang balatan ito. Nakatingin si Mama sa ginagawa kong pagbalat. Bumagal ang pagbabalat ko. Alam ni Mama na hindi ko gusto na tinititigan ako sa aking ginagawa. Alam niyang kapag nasusubaybayan ako nagiging metikuloso ako sa ginagawa. Tumitilamsik ang mabangong amoy ng prutas habang tinatanggal ko ang balat nito. Binabago nito ang amoy ng ospital – ang amoy ng sakit at kamatayan. Iniisa-isa ko ang mga puting hiblang nakakapit sa nabalatang ponkan.
“Anak, sabi ng doctor, maganda raw sa diabetes yang fiber ng ponkan. Wag mo nang tanggalin,” bilin sa akin ni Mama. Nakatingin pa rin siya sa akin. Parang nawawala ang mga guhit sa noo niya. Namalikmata ako nang makitang bumata si Mama, tulad nang litrato niyang pinuputungan siya ng korona na nakalagay sa sala. Disi-sais noon si Mama at siya ang tinanghal na Mutya sa bayan nila. Matangos ang kanyang ilong, singkit ang mata, at makinis ang balat. Mas marami pa raw ang mas maganda sa kanya, nagkataon lamang na pinakyaw ng tatay niyang negosyante ang mga tiket na binebenta niya para sa nasabing pagandahan.
Pumilas ako sa ponkan at inaabot ang iba kay Mama. Hinati niya iyon at iniabot sa akin.
“Mabuti na yang kumakain ka ng prutas,” wika ni Mama.

Sa unang pagkaputol ng paa ni Mama madalas ampalaya ang inuulam namin: ampalaya na nilagyan ng itlog, ampalaya con carne, pinakbet na mas maraming ampalaya kaysa okra, talong, paksiw na isda na may ampalaya. Kulang na lang magkaroon ng baked ampalaya o spaghetti na may ampalaya. Humusay si Mama sa pagluto ng ampalaya at madalas niyang nasusunog ang pritong isda, naglulugaw ang kanin o kaya nagkukulang siya sa tomato sauce sa menudo. Lagi niyang ipinapaalam sa amin na kailangan ng pait sa katawan para maiwasan namin ang sakit niya. Nakasanayan na namin ang kanyang luto. Nakasanayan na namin ang pait ng ampalaya.

Lumabas si Papa para kausapin ang doktor. Sinermunan muna niya si Mama tungkol sa kahalagahan ng pag-iingat ukol sa sakit niya kasama na ang hindi pagkain ng mga matatamis, kanin, at baboy. Pagtatanong ukol sa gastos ang sinagot ni Mama sa pagpapaalala ni Papa. Agad siyang umalis – nakasalubong ang mga kilay, nakakunot ang mga noo.
“Anong oras daw ako iinom ng gamot?” tanong ni Mama. Hinanap niya kung naroroon ang mga lalagyan ng kanyang mga gamot katabi ng mga prutas. Wala siyang nakita.
“Itatanong na rin po siguro ni Papa,” sagot ko sa tanong niya. “Gusto po ninyo ng saging?” pagtatanong ko sa kanya.
“Wag na. Ayus na ako.”
Tunog ng aircon ang nadinig namin matapos tanggihan ni Mama ang alok ko. Hindi ko ganap na maunawaan ang binabasa. Pinipigilan ng kawalan ng imik ang pagtakbo ng aking utak.
“Shakespeare?” pagbabasag niya sa katahimikan. Napansin niya ang binabasa kong libro. Si Shakespeare lang ang kilalang manunulat ni Mama. Nasa hayskul na siya nang nakilala niya ito. Noong maliliit pa lang kami, Romeo and Juliet ang madalas niyang ikuwento sa amin. Sa murang isip, ipinapakilala na niya ang hidwaan ng mga angkan ng dalawang mangingibig. Hindi kami nabagabag sa pagpapatiwakal nila Romeo at Juliet. Matapos isalaysay ang buod ng kuwento ay siya namang pagtanong niya kung ano ang moral lesson. Sabay naming sasagutin ni Kuya Anthony na ‘Love conquers all’ at dadampian niya ng halik ang mga noo namin.
“Albert Camus,” sagot ko sa tanong niya. Papaano ko ba sasabihin sa kanya na sa nobelang ito hindi umiyak ang pangunahing tauhan nang mamatay ang kanyang ina; na hindi ko maramdaman na sa pagtatapos ng kuwento, walang pag-ibig na susulpot sa puso ng pangunahing tauhan?
“Andami mo nang binabasa, baka sumubra ang talino mo niyan,” wika niya.
“Noong pinuputol ang binti ko, sabi ko wala na ang mga paa ko sa hukay,” pagpapatuloy niya. Huminto ako sa pagbabasa para pakinggan siya. Nabaril ang Arabo ng pangunahing tauhan ng nobela nang huminto ako. “Mas nauna pa sila sa akin,” at binasag ng kanyang pagtawa ang kuwarto. Nakingisi na rin ako sa biro niya. Hindi niya mapigilan ang pagtawa hanggang sa may nakita akong tumutulong luha.

Noong unang naputulan si Mama, kay Papa iniabot ang kaputol. Bulok, nagingitim at umaalingasaw ang mala-patay na dagang amoy. Nakalagay ito sa isang karton. Si Papa ang magdedesisyon kung ililibing ba ito o ipapasabay sa pagsunog sa mga basura ng ospital.
Matagal na tiningnan ni Papa ang dating binting kanyang madalas hinihimas, kinakagat. Kung may ipinagmamalaking bahagi ng katawan si Mama, ito ay kanyang binti. Kahit kailan hindi ito nalagyan ng peklat. Nang mauso raw ang galis nung panahon nila, tinatampalan nila ng sariwang karne ng baboy ang kanilang mga binti para maiwasan ang pagpepeklat.
Binti ni Mama ang bumighani kay Papa. Kapag naglalambing si Papa, hinahayaan niyang ipatong ni Mama ang mga ito sa kandungan niya. Pabirong kakagatin ito ni Papa at kapag inialis ni Mama ang pagkakapatong ay siya namang paghuli ni Papa sa nakawalang binti.
Tinanong pa ni Papa si Kuya Anthony kung ililibing ba nila ang binti. Kung ililibing daw nila ito para na rin nilang nilibing si Mama. Hayaan na lang daw nilang sunugin ito. Kasabay ng pagkatupok ng nabubulok na kaputol ang pagkasunog ng pangambang maaring may sumunod pang bahagi ng katawan ni Mama na mapuputol.
Hindi na kinuha ni Papa ang bagong putol na binti ni Mama. Ibinilin niya kaagad na isabay ito sa mga susunugin ng ospital.

“Pinasunog po namin yung binti ninyo,” pagtatapat ko kay Mama.
Tumigil siya sa pagtawa at sinuklian niya ng ngiti ang sinabi ko. Itinago niya sa kumot ang mga natitirang ipinagmamalaking bahagi ng katawan. Ngayon ko lamang napansin na kaunti lamang ang pinutol sa kaliwa niyang binti.
“Mabuti na rin yun. Kahit papaano wala tayong pagtitirikan ng kandila kapag November 1,” sambit niya matapos itago ang hindi pantay na ibabang bahagi ng kanyang katawan.
“Saka noong sinunog yun, mabilis na aakyat yun sa langit. Magkikita na rin sila ng kapares niya. Hindi ba masaya yun para sa kanilang dalawa,” pagpapatuloy niya. Nakatingin lamang siya sa kisame. Napansin niya kaya ang mga agiw at ilang batik-batik na dumi?
“Love conquers all. Parang Romeo and Juliet.”
Bumukas ang pinto. Pumasok si Papa. May kasama siya ngayong isang nars. Putim-puti ang suot nitong uniporme. Hindi niya ako pinansin at dumiretso siya kaaagad kay Mama. Mula sa dala-dala niyang trey na may hawakan at gawa sa kahoy inilabas niya ang isang record sheet ng pasyente gayundin ang pansukat ng blood pressure. Nakita ko ang pagngiti niya kay Mama na sumukli rin ng isang ngiti na tila matagal na silang magkakilala. Ngiting nakalaan sa malalapit sa buhay ni Mama.
“Okay na po ba ang pakiramdam ninyo?” tanong ng nars. Matinis ang boses niya. Inilagay niya ang earpiece ng stethoscope sa kanyang tainga. Hindi ko alam kung nadinig niya ang pagsagot ni Mama ng “Medyo, okay na”.
Kinuha ng nars ang kaliwang kamay ni Mama. Ibinalot ng nars ang istrap ng pansukat ng BP dito at ipinatong ang stethoscope sa pulso malapit sa pinagbalutan. Ilang saglit pa sinimulan niya nang kunin ang blood pressure ni Mama. Piniga niya ang isang maliit na bomba na nagbibigay ng pressure upang maghigpit ang istrap sa kamay ni Mama. Ilang beses na rin akong nakaranas na magamitan nito.
Kinawayan ako ni Papa nang tinanggal ng nars ang earpiece ng stethoscope. Isinulat ng nars ang nakuhang pagbasa sa kanyang dalang record sheet.
“Bumili ka muna ng pagkain mo,” sabay abot sa akin ni Papa ng isandaan. Kapag magtatalo sila ni Mama, madalas niya kaming pinapaalis ni Kuya sa bahay. Binibigyan niya kami ng pang-arcade o panggastos sa mall. Pagdating namin sa bahay, makikita naming naglilinis si Mama ng mga basag na gamit. Pinag-iingat kami na baka may maapakan kaming bubog. Basang-basa ang mata niya habang winawalis niya ang mga nakakalat na basag at bubog. Nang naputulan si Mama ng binti, hindi na namin siyang nakitang naglilinis ng mga itinapong bagay hanggang sa maging bubog ang mga ito. Hindi na rin namin naranasan ang suhulan para hindi namin marinig o makita ang pag-aaway nila ni Papa. Hindi na rin namin siya nakikitang basang-basa ng luha.
“Papabili po ba kayo,” sambit ko matapos makuha ang inabot sa aking pera.
“Sa’yo na yan. Busog pa ako,” sagot ni Papa.
“Kayo, Ma?” sabay baling ko ng tingin kay Mama. Patayo na ang nars at paalis na rin ito.
“Kung ibibili mo ba ako ng chocolate,” pabiro niyang sagot sa akin. Napansin ko ang pagkunot ng noo ni Papa tila hindi masakyan ang biro ni Mama. Kung nasasakyan man niya iyon, ayaw niya ng ganung uri ng biro. Tila pakikipagbiro na iyon kay kamatayan.

Isang sundae lang ang binili ko. Caramel ang inilagay na karagdagang flavor. Wala akong pakialam na namamana ang diabetes tulad ng pagkamana ko kay Mama ng kanyang maliliit na tainga, hugis ng mukha, at pagkasingkit ng mga mata. Kailangan ng katawan ang tamis, ito ang madalas ipaliwanag ni Mama kapag nakikita namin siyang kumakain ng tsokolate o kaya kung magpapabili ng ice cream. Matatamis na pagkain ang nagpapasaya sa tao.
Pinili ko na rin ang manatili sa fast food na pinagbilhan ng sundae. Muli kong binuklat ang nobelang binabasa ngunit hindi ko ito masundan. Nadidinig ko ang mga matitinis na sigaw ng mga bata sa loob ng playground. Ibinaling ko ang tingin sa mga naglalaro. Iba’t-ibang kulay ang bumabalot sa palaruan. Pinanood kung papaano, magtatakbo ang mga maliit na paa ng mga bata. May ilang napapatid ng mga bolang nakakalat dito. May ilang paa ang nauunang bumaba mula sa slide at saktong babagsak sila sa mga makukulay na bolang nakakalat. Tatalbog ang ilan. Tatamaan ang isang munting binti ngunit hindi ito papansinin. Tuloy-tuloy sila sa paglalaro. Wala akong naririnig kundi ang kanilang kagalakan.
Nang inilabas namin si Mama mula sa ospital matapos siyang unang naputulan, dito kami pumunta. Naghanap si Mama ng hamburger. Habang kumakain hindi niya napigilan mapansin ang mga batang naglalaro sa playground. Mga kerubin ang tawag ni Mama sa kanila. Naikuwento niya kung gaano raw kami katahimik nung mga bata pa kami. Wala siyang maalala na nagkulit kaming maglaro sa playground. Wala siyang maalala na pagkakataong nagpapahabol kami sa kanya tulad ng ginagawa ng mga bata na biglang tumatakbo para maglaro. Hindi na rin niya mararanasan na habulin kahit ang mga anak namin. Hanggang saway na lang daw siya.
Bigla niyang ibinilin sa amin na kapag kaarawan niya dalhin na lamang namin siya sa isang fast food na may playground. Gusto niya lang daw kumain ng hamburger habang pinapanood ang mga naglalaro.
“Darating din ang panahon na pwede na akong maglaro diyan. Kapag naputulan pa ako, kasinlaki ko na ang mga bata,” at sinabayan niya ito ng tawa. Hindi ko naalala ang reaksyon nila Papa at Kuya Anthony ang naalala ko nakitawa ako kay Mama.

Kasabay kong pumasok sa ospital ang isang ambulansya. May dalang takot sa akin ang sirena nito. Gumagapang ang pagwangwang na tila nagbibilang ng oras – nagbibilang ng nalalabing oras. Huminto sila sa tapat ng pintuan patungong emergency room. Agad ibinaba ang isang matandang babae na nakahiga sa stretcher nang bumukas ang pinto. Nakalagay ang isang respirator sa ilong niya. Sumasabay sa ritmo ng ilaw at ingay ng ambulansya ang pagtaas-baba ng dibdib ng matandang babae. Sumunod na bumaba ang isang babae. Nakasuot siya ng daster at nawawala ang kanang kapares ng kanyang tsinelas.
Madalas pa ring hinahanap ni Mama ang kapares ng kanyang tsinelas. Huwag daw namin itatapon iyon dahil maari pa rin niyang suotin.
“Ma, tatagan po ninyo,” pahabol na iyak ng babaeng kasama ng pasyente habang inililipat ito sa de-gulong na kama.
Nasa labas ng ospital si Papa. Hindi katulad ng ibang nakaantambay sa may pintuan, hindi niya tiningnan ang dumating na ambulansya. Patuloy lang siya sa paghimas sa sigarilyong hawak. Kinapa niya ang bulsa at nang napansin na wala ang hinahanap ay siyang pagtingin niya sa katabing guwardiya. May sinabi siya sa katabi na sinagot naman ng isang kibit-balikat.
“Pa,” pagtawag ko sa kanya.
Ngumiti siya nang makita ako. Paanyaya na lapitan ko siya.
Pitong taon ako noong unang umalis si Papa patungong Saudi. Malaki nga naman ang alok sa kanya bilang inhinyero sa isang construction firm. Taon-taon siya nakakauwi para makasama kami madalas tuwing Pasko. Isang beses sa isang taon. Inaasahan ko na ngayong taon hindi namin siya makakasama tulad noong unang naputulan si Mama.
“Papabili sana ako sa’yo ng layter pero huwag na,” bungad ni Papa nang nakalapit ako sa kanya. Sa labas ng bahay namin naabutan si Papa na naninigarilyo tuwing uuwi kami ni Kuya mula sa mall matapos niya kaming bigyan ng panggastos doon. Ilang upos ang makikita naming nakakalat sa tapat ng bahay. Hindi siya magsasalita matapos kaming magmano. Inaasahan namin na sa loob, naroroon si Mama nag-aayos ng kalat.
“Akyat po muna ako,” sabi ko sa kanya.
“Dito ka lang muna,” matipid niyang sagot. Patuloy pa rin niyang hinihimas ang sigarilyo. Hindi ako umalis sa tabi niya.
“Mag-kokolehiyo ka na pala sa susunod na pasukan,” nawika niya matapos putulin ang kaninang hinihimas. Nahulog ang mga pinong tabako sa semento. “Ano ang balak mong kunin?” pagpapatuloy niya. Inilagay niya sa bulsa ang binaling sigarilyo. Inantay kong matapos ang pagpagpag niya ng kamay bago ako sumagot.
“Hindi ko pa po alam. Siguro nursing,” matipid kong sagot.
“Sana maabutan pa ni Mama ninyo ang pagtatapos mo. Sana siya ang una mong aalagaan.”
Hindi ako umimik. Hindi ko masabing ‘sana nga po’.
“Yung Lolo ninyo, wala pang tatlong taon nang naputulan nang namatay siya.” Hindi ko na nakilala ang Lolo. Buntis sa akin si Mama nang mamatay ang tatay niya.
“Kanina nag-away kami ni Mama mo,” wika ni Papa. Ngayon ko lang narinig kay Papa ang salitang ‘nag-away’. Parang may kaakibat na karahasan ang salitang ito na ayaw niyang iparinig sa amin.
“Sinabi ko sa kanya na mukhang hindi na ako makakabalik sa Saudi. Nalugi ang may-ari ng firm. Napolitika kasi. Lahat ng mga nagtratrabaho roon napapagkamalang kaalyado ng mga terorista. Mahirap na rin ang lumipat sa ibang kumpanya. Dito na lang ako, sabagay may ipon naman ako para makapagsimula ng negosyo,” tuloy-tuloy na pagsasalaysay ni Papa.
“Malaki rin ang makukuha kong separation pay. At least magkakasama na rin tayo rito,” pagpapatuloy niya.
“Yun po ang pinagtalunan ninyo ni Mama?” tanong ko sa kanya.
Isang tango ang isinagot ni Papa. Kinapa niya sa bulsa ang pinutol na sigarilyo.
“Gusto niyang bumalik ako. Sinabi niyang mas magastos tayo ngayon lalo na’t papasok ka pa sa kolehiyo,” pagpapatuloy niya. “Natatakot din siya alam mo yun.”
Muli kong sinulyapan ang ambulansya. Muli itong umalis pero hindi bukas ang sirena nito. Sinundan ko ito ng tingin habang papalayo sa ospital. Huminto muna bago lumiko. Naninigurado ang ambulansya na wala itong mapapahamak sa kanyang pag-alis.
“Kahit pabiro niyang sinabi na kahit kailan hindi na magpapantay ang mga paa niya sa lupa, nararamdaman ko pa rin ang takot niya,” pagpapatuloy ni Papa. “Natatakot siya hindi para sa kanyang sarili kundi para rin sa inyo.”
Tumango ako sa sinabi ni Papa.
“Puntahan mo na siya, baka may kailangan sa’yo. Uwi muna ako para makapagpahinga,” utos sa akin ni Papa. Mag-aayos si Papa ng mga gamit niya. Ilalabas ang mga bagong sapatos na para sa amin ni Kuya, ang prosthetic leg na binili niya kay Mama at ilang bagong damit para sa amin. Bago ilagay ang mga dalang alak sa estante, titingnan niya muna ito, aalisin ang pagkatakam sa pagbasa sa alcohol content.

Hindi ko alam kung may sapat akong lakas na sabihin kay Mama na handa akong magpahinga ng isang taon bago pumasok sa kolehiyo. Hahayaan ko munang makatapos si Kuya Anthony. Sasabihin ko rin na payagan na rin niya si Papa na manatili rito para may katulong ako sa pag-aalaga sa kanya. Kung magiging problema ang pera handa rin akong magtrabaho, kahit crew sa fast food restaurant.
Pero alam kong hindi papayag si Mama.
Naamoy ko ang amoy ng ospital. Anlinis sa pangamoy pero may dala-dalang hilakbot. Isang malalim na paghinga ang ginawa ko bago binuksan ang pinto. Alam ko ito bilang isang kaputol ng pamilya na ito lang ang maitutulong ko, bahala na.

Posted at 02:18 pm by nosferatujoe

 

Leave a Comment:

Name


Homepage (optional)


Comments







Previous Entry Home Next Entry



   





<< May 2008 >>
Sun Mon Tue Wed Thu Fri Sat
 01 02 03
04 05 06 07 08 09 10
11 12 13 14 15 16 17
18 19 20 21 22 23 24
25 26 27 28 29 30 31

Sources of Knowledges

  • Electronic Encyclopedia

  • De-kuryenteng Dyaryo ni Gates

  • Diyaryo sa Net

  • Mga Tula at Makata

  • Tula para sa Kinahong Alamat

  • Diyaryo sa Net

  • Panitikan Para sa Bayan

    Mga Kapanalig

  • Marie, the Muse, the Diva

  • Oliver, the Saint Vladymir

  • Coreen, Sue Len in California

  • Allan and Jane, the Jacklyn Jose Admirer

  • Ian, The Cursed

  • Dong Abay, Ang Bagong Flipino

  • Kiko, LIRA

  • Mary Ann, Ang Umiiyak na Alitaptap

  • Mark Angeles, Soulfly

  • Charles, Katomang Siquey

  • DodoBird's Music Review

  • Apartment ni Mykel

  • Sarah Crespo, ang Muse sa Avenue

  • Nostalgia Manila

  • I Love Honey ni Elaine

  • Waytbord nila Ergoe en Nanoy

  • Mga Murmur ni Ninong

  • Sushi Journal ni Eunice

  • Ronald, The Wind-Up Tool

    Music, the Food of the Hungry Thoughts

  • Bridge

  • Coffeeshop Conspiracies

  • Daydream Cycle

  • Acid 42

  • Hellbender

  • Kinkyhooters

  • Drip

  • Updharma Down

  • Brian Cua

    SONG OF THE MOMENT


    Habulan - Sound


    ganito pala ang mundo
    matulin ang takbo
    laging naghahabol sa pangako
    bilisan, bawat hakbang
    nahihilo
    isang ulila sa gitna nitong gulo

    sari-saring damdamin
    halu-halong hangarin
    naghahabulan

    tagumpay nalumbay
    sa kamay ng kapalaran
    o taya ka na naman
    takbo, takbo, sana’y makarating
    sa wakas ng pagkatuliro
    sa pag-ikot nitong daigdig

    habol nang habol

    pagkakataon di palalagpasin
    di magpapahuli kahit sandali
    huwag na sana maiwan muli

    bilisan, bawat hakbang
    may dalang pag-alinlangan
    papunta, pabalik
    nagbibilang ng saglit, heto na
    ba’t lagi pang natataya?

    manipis ang silip ng buwan
    di namamasdan
    ang paglipas ng oras
    nangangapa pa rin sa dilim

    habol nang habol
    sana’y makarating









  • Contact Me

    If you want to be updated on this weblog Enter your email here:




    rss feed