Paalala lang di ito ang ultimate Filipino short stories na nabasa ko. Ilan lang 'to sa ilang beses kong binabalik-balikan basahin. Ito yung mga kuwentong mamangha ka, o di kaya makakadama ng kislot sa dibdib. Marahil may ilan pang maiikling katha ang makapasok sa listahan once mabasa ko sila o di kaya marediscover, sa ngayon heto na lang muna.
(Binabalak kong gumawa ng once in a week o di kaya once in a month (o kaya once in a blue moon) countdown ng mga akdang nabasa ko. Malamang puro Filipino short stories. Kaya watch lang mga kid sa darating na next installment nito.)
10. Dalantao ni Alwin C. AguirreIsa ito sa rare oppurtunities na may lalaking manunulat na tumatalakay sa pagbubuntis ng isang babae, ang pait ng makunan. Ang nakakamangha rito, nagawa ng manunulat na gumamit ng ilang elemento ng magic realism.
9. Old Movies ni Ian Rosales CasocotNang una duda ako sa pag-aallude niya sa mga pelikula, marahil dahil sa hindi ko kinahiligan ang mga classical Hollywood movies kahit nakailang re-runs na ang iba sa TnT. Mas namangha ako sa dysfunctional na relationship ng mag-ina at ang balighong ugnayan nila. Matapos panoorin ang ilang pelikulang nasasaad sa akdang iyon, doon ko lang na-reliaze na mas maganda ang epekto ng pagsasanib ng dalawang media. (check ninyo ang paggamit ng pelikula ni ingmar bergman na 7th seal sa kamatayan ng ina ng narrator, ayus talaga)
8.
Sinsil Boys ni German V. GervacioExploatation ang paksa ng kuwentong ito pero di sa kamay nang mapang-aping magulang, o mapang-alipustang pamayanan. Exploatation ito ng media sa mga batang lansangan. Silang nabubuhay para lamang sa rugby ay ginagamit pa ng kagahamanan ng mga taga-media. Isang malungkot na reyalidad.
7.
The Assasination of the Citizen ni Dr. Mario MiclatKafkanesque ang dating ng akda ni Doc Mic. Sino nga ba ang kumidnap sa pangunahing tauhan - ang kanya bang asawa? ang kanya bang bayaw? ang pulubing nakita niyang namamasyal sa Cubao? ang estudyanteng kanyang ibinagsak? o ang mga taga-kilusan? Kung tutuusin walang malinaw na kasagutan dahil hindi rito umiikot ang kuwento. Mas nakatuon ang plot sa mga tawag sa telepono ng pangunahing bida hanggang sa makausap niya ang kanyang ama, na matagal nang patay at pag-usapan nila ang tungkol sa pakikisama.
6. Ang Liason ng 27th Floor ni Alan DerainSa unang bahagi ng kuwento alam mo nang binabasag nito ang kumbensyunal na pagsasalaysay. Ang narrator ang siya ring writer, literally. Dito, ang narrator ang nagpapatakbo sa buhay ng liason simula sa kamalasang inaabot nito hanggang sa pagdesisyunan ng tauhan na kumalas sa kagustuhan ng narrator na tila isa nang Diyos. Nakakatawa sa unang bahagi pero sa huli makikisimpatiya ka na rin sa liason bilang isang tau-tauhan lamang ng isang kuwento. Wika nga sa isang kanta ng The Smith, "I am human and I need to be love..."
5. Baliw ni Mayette BayugaHindi baliw ang bida ng kuwento, marahil malapit na siyang maging isa. Sa mata ng bida masusi niyang sinipat ang dahilan ng kabaliwan ng isang babae -- simula pagtataksil hanggang sa pagsasawalang-bahala ng asawa sa katayuan ng babaeng inaagawan na ng katinuan, at ikinokondisyon na niya ang sarili sa darating na panahon. Feministang akda, oo pero makapangyarihan. Hindi nagsusumigaw na babae, hindi rin lumalaban. Itinapon ng may-akda ang mga gasgas na gawain ng mga feministang may-akda bagkus sumipat siya sa panibagong perspektibo ng isang Filipina - hindi martir ngunit naghahanda sa pangyayaring maari niyang sapitin.
4. Ang Pamilyang Kumakain ng Lupa ni Khavn dela CruzDysfunctional ang pamilyang ito (at kung tutuusin lahat naman ng pamilya ay dysfunctional) ngunit sa likod nito sinipat ni Khavn ang kinabukasan ng pamilyang Filipino. Ano ang dahilan ng pagiging mahalay ng Ate, ang pagiging masokista (with split personality) ni Kuya, ang pagiging psychotic ni Tatay, ang pagiging 'martir' ni Inay, at ang di 'paglaki' ni Bunso? Wala makakapagsabi dahil mahohook ka sa violence ng kuwento. Bakit sila nagsasalusalo ng lupa? Wala ring makakapagsabi dala ng kabalighuan ng akda, isa itong pagtatangka ni Khavn na makapagsulat ng Bizarro fiction, isang hakbang para makabuo ng panibagong genre sa panitikang Filipino.
3. Sandosenang Sapatos ni Luis Gatmaitan MDIsang akda tungkol sa unrequited love. Pinanganak ang kapatid ng narrator na walang paa, nakakapagtaka para sa isang anak ng sapatero pero hindi rito nagtapos ang pagmamahal ng buong pamilya sa kanyang kapatid. Sa tuwing sasapit ang kaarawan ng kapatid, nanaginip ito ng sapatos na maari niyang suotin, nagtuloy-tuloy ito hanggang mamatay ang kanilang ama. Sa akdang ito, maingat na hinawakan ni Luis Gatmaitan ang tema ng kamatayan at pag-ibig, sa sobrang ingat nang pagkakahawak niya nakakapagbigay ito ng kislot sa damdamin habang binabasa. Maingat din niyang hinabi ang mga salita para di magmukhang pilit o di kaya masyadong mushy.
Naisip ko, tinawid kaya ng pag-ibig ni Tatay ang mga panaginip ni Susie para maipasuot sa kanya ang mga sapatos?
Hindi ko tiyak.
Ang tiyak ko lang, hindi perpekto ang buhay na ito. Gaya ng hindi perpekto ang pagkakalikha sa kapatid ko. Pero may mga perpektong sandali. Gaya ng mga sandaling nilikha ni Tatay ang pinakamagagarang sapatos para kay Susie.2. Kasal ni Eli Rueda GuiebIsang pagsipat sa relasyon ang kuwentong ito (kung tutuusin forte na ni Guieb ang pagtalakay sa relasyon). Masusing hinawakan ni Guieb ang detalye nang paghihiwalay, ang masalimot na pakikipagrelasyon, ang paghahanap ng permanence samantalang umiikot ang buhay bilang transient, at ang malugod na pagtatangap kung paano haharapin ang kinabukasan. Kung kumalat sa net ang likha ni Guieb malamang pupunuin nito ang mga bulletin board ng Friendster o di kaya magiging laman ng mga forwarded mail. Magaan ang mga diyalogo samantalang epektibo ang naratibo, ang pagbubulaybulay ng narrator sa kanyang kasalukuyang katayuan, kasama na rin ang kaniyang kahapon at kinabukasan.
Minsan nga nai-quote ko to sa yahoo group ng mga kabarkada ko nang minsan may humihingi ng payo:
"maraming bagay sa mundo ang hindi puwedeng bigkisin ng mga kontrata ng relasyon. iisa lang naman ang batas ng relasyon, pagmamahal. kapag iyon ang nawala wala na rin ang silbi ang katotohanan ng mga kontrata. ang tanging katotohanan naiiwan ay ang pait ng pinawalang-bisang kontrata."1. kung paano ko inayos ang buhok ko matapos ang mahaba-haba ring paglalakbay ni Norman WilcaycoAnarkista ang may-ari ng buhok, ayon kay Jun Cruz Reyes sa Aklat Likhaan kung saan napabilang ang akdang ito. Si Tony, pinatatag ng kanyang pagkamulat sa kahirapan ay nagpunyaging maibago ang buhay ngunit sa kasamang-palad naging simula pa ito ng kanyang pagbagsak. Kung ganito ang pagsipat na gagawin sa kuwnto marahil trahedya ang kahahantungan ng akdang ito, ngunit kapag sinipat mo sa ibang dimensyon marerealize mo na hindi nabigo si Tony. Sa pagkain sa maangas na Kanong si Wayne naipakita ni Wilcayco na hindi lahat na transgressive fiction nag-rerely lang sa shock value ngunit dapat may pulitikang inilalatag (sa puntong ito napag-isa ang prinsipyo ni Wilcayco at ang tauhan niyang si Tony). Nagtagumpay si Tony, nagtagumpay si Wilcayco. Hindi rin marunong magpaumanhin sa paggamit ng salita si Wilcayco, alam niya kung kailan magmumura si Tony, alam niya kung ano ang sasabihin nito ito ang sangkap ng isang kontemporaryong kuwento para sa isang kontemporaryong sitwasyon.
Bawat pala ko ay sumasakit ang kanang braso ko. Ang ilong nga pala ni Wayne ang siya kong inulam nang maghapunan ako. Masarap pala ang ilong ng banyaga. Berde ang mga dahon. Ang buhay dito sa institusyon ng mga makata ay parang buhay sa loob ng aquarium nina Elmer, pinagmamasdan namin ang mga isdang sari-sari ang kulay. Fuck you! Eat dirt, motherfucker! Savor the taste of my native soil! Noong bata ako ay nag-iigib ako ng tubig. Noong lumaki ako ay nagtinda ako ng balut at sumama sa mga karpintero sa paggawa ng mga bahay. Masarap kumain ng balut. Si Wayne ay hindi na yata humihinga. Mahirap mag-aral sa UP kung squatter ka at may kaklase kang taga-ibang bansa. Sabi ni nanay, ang kilay ko raw ay hawig ng kilay ng tatay kong babaero. Kumusta na kaya si Klarang niligawan ko noong grade six ako? sa totoo lang, mahirap gumawa ng listahan lalo na sa mga bagay na ayaw na ayaw mong bitiwan. personal choices lamang yan at walang masyadong batayan pero ang gaan nang feeling once naibahagi mo ang mga pananaw mo sa mga akdang ito. sa mga susunod, pipilitin kong gumawa na mayroon batayan. yung tipong may classification na, parang
Top Ten Gay Stories o kaya
Top Ten Pinoy Sci-fi. mukhang exciting din siya. kaya hanggang sa muli.