Royalties Not Included: Read at your own RISKS



Thursday, February 05, 2009
Ang Slumdog Millionaire, Ang Wowowee: Ang Kultura ng Gameshow

Nang ihayag ang pagkapanalo ng pelikula ni Danny Boyle sa Golden Globe Awards bilang Best Picture – Drama marami na ang pumusta sa nominasyon at pagkapanalo nito sa Academy Awards. Sa panahon kung saan ang Amerika ay may hang-over pa sa pagkapanalo ni Barack Obama at sa unti-unting pagkakadama sa pinansyal na krisis, isang fairy tale ang magbibigay sa kanila ng fantasya ng pag-asa’t pag-ahon.

Umiikot ang drama ng nasabing pelikula kay Jamal Malik, isang binatilyong namuhay sa paghihikahos at nasa isang tanong na lamang patungo sa jackpot ng gameshow na ‘Who Wants To Be A Millionaire?’. Dahil sa walang pinag-aralan, sinususpetsahan siya ng pandaraya sa nasabing programa. Kung ang mga may pinag-aralan ay hindi nagagawang makarating sa tuktok ng pagkapanalo, papaano pa nga raw ang katulad niyang lumaki bilang Muslim, pulubi, wating, at serbidor sa isang call center. Sa interegasyon ng pulis, nabigyang linaw ang mga dahilan ng pagkakaalam niya ng sagot sa mga tanong. Nagmula ito sa karanasan niya.

Ganito rin ang formula ng mga gameshow sa Filipinas tulad ng Wowowee. Tinatanong ng host na si Willie Revillame ang mga kuwento sa buhay ng mga kalahok. Kadalasan, sa portion na Willie of Fortune, napapaiyak ang mga kalahok habang isinasalaysay ang paghihikahos, paghihiwalay ng pamilya, pag-iibigan, pag-asa. Matapos lumuha, ay tatanungin sila kung ano ang talent nila. Madalas, ‘sasayaw po Papi’ o ‘kakanta po Papi’ ang sinasagot nila sabay tungo sa gitna ng entablado para igiling ang matitigas na katawan at/o ibirit ang sintunadong boses. May kalakip na limanlibo (o higit pa depende kung nagustuhan ni Willie ang disposisyon, pananaw, karateristik, o talento ng kalahok) ang spectacle na ito bilang automatikong kabayaran sa mga kalahok bilang taga-aliw. Sa portion na ito, naghahalo ang drama, comedy, at musical hanggang sa puntong naitatanong mo kung totoo ba ang lahat.

Ang sinseridad ba ng host ay nasa pag-abot ng kalahok na makuha ang premyo? Sinagot ng Slumdog Millionaire ang hipokrisidad ng mga host. Una nilang priyoridad ang magbigay ng aliw. Dito natin mapapansin na ang mga gameshow ay nakahulma sa ideya ng pagbibigay ng charity sa pamamagitan ng entertainment. Ang pagbibigay ng maling sagot ng host sa pelikulang ito sa pinaka-crucial na bahagi ng show ay pagtatantiya ng pagdagsa ng mga katulad ni Jamal na humawak sa ideya ng pagpanalo ng malaking halaga. Sa pelikula, nakita rin natin na kumakapit ang masa ng India sa pag-asang dulot ng ganitong mga palabas, samantalang ang mga may-kaya ay din nahuhumaling dahil sa may pera na sila’t mas gusto na lamang nilang bigyang suporta ang kanilang atleta. Ganito rin ang kalakaran ng mga gameshow sa Filipinas. Kung babalikan natin ang pagkapanalo ni Sharon Cuneta sa Philippine Edition ng Who Wants To Be A Millionaire, mas nagbukas ito ng maraming pinto ng pananalig mula sa ibang manonood, karamihan ay nagmula sa gitnang uri na naniniwala na may kakayahan at talino sila na higit pa kay Mega. Ang edisyon din ng nasabing gameshow ang nagtaas sa pot money ng mga gameshow portion ng mga variety show tulad ng Eat Bulaga. Kung dati’y sapat na ang 100,000 ngayo’y itinaas nila ito hanggang 1 milyon, at may ilan pa tulad ng MTB ang nagsama ng bahay at lupa sa kanilang Pera o Bayong. Sa kasalukuyan, na-revolutionize na ang variety show tulad ng Wowowee.

Sa Wowowee, nawala na ang mga production number ng mga inimbitahang artista. Sa bawat simula ng palabas, lalabas si Willie Revillame para kantahin ang mga sariling kanta. Paulit-ulit. Araw-araw. Nagmimistulang lunsaran din ito ng kanyang career bilang isang host at recording artist. Hindi nagpapadaig si Revillame sa itinakdang standard ng Tito, Vic, and Joey sa pagiging host ng isang pantanghaling variety show. Pangunahing manonood ng nasabing palabas ay mga maybahay, tambay, at katulong. Sa ganitong pamamaraan ng hosting, nabibigyang aliw at fantasya ang manonood. Nasasarili nila ang oras at naangkin din ito kapag nakikitawa’t nakikiiyak sa mga kalahok sa palabas. Nasasalamin nila ang mga sarili. Sa mga ganitong host din nila nararamdaman ang sinseridad na pakinggan ang kanilang mga hiling at hinaing. Tapos na ang mga panahon ng mga artikulado at smart na mga host tulad nila Eddie Mercado. Kung lalabas man sila, magmumukhang pangmayamang charity ball ang kanilang tinatanghal.

Problematiko ang sinseridad ng mga host ng Wowowee at ang mga katulad din niyang variety show. Sa portion na Hep hep Hooray, madalas kumukuha sila ng mga senior citizen sa mga audience. Mga matatandang umaasang magkakaroon sila ng kaunting salapi na maari nilang ipantulong sa sariling pamilya. Ngunit bago sila mapili bilang kalahok ay makikisayaw muna sila sa hit song ni Revillame. Muli ipinapaalala sa atin ng mga novelty na kanta ni Revillame na lahat ay masaya, na kailangang gumiling para makalimutan ang problema; na si Revillame bilang recording artist at host ay may puso sa bawat kapamilyang Filipino. Sa pagsayaw nila, natutuwa tayo bilang manonood sa mga komikong pagpapansin nila. May ilang pinagtatawanan natin dahil sa nagmamakaawang mukha habang sumasayaw. Hindi nalalayo ito sa mga batang pulubi sa Slumdog Millionaire, na kailangang bulagin upang mas lalong kaawaan. Kapwa ang mga bata at matatanda ay biktima ng eksploytasyon. Ang mga bata sa pansariling kita ng lider ng gang, at ang mga matatanda para sa ratings ng show.

Nakakatuwa rin na pansinin ang designasyon ng upuan ng mga manonood. Ang mga senior citizen ay inilagay sa pinakamataas na sulok samantalang ang mga TFC subscriber ay malapit sa host. Dalawa ang maaring pagbasa rito. Una, inilagay ang mga maayos na itsura ng mga TFC subscriber upang ipakita ang karangyaang hatid ng nasabing palabas. Magmimistulang eye sore lamang sa camera ang mga kinukupas at pinaglipasan ng moda mga damit ng mga matatanda. Ang mga matatambok na pisngi ng nakakariwasa at naggagandahan nilang ngiti ang madalas maipapakita upang magmistulang vibrant at masaya ang show. Mistulang Kapwa ko, Mahal ko kung ilalagay nga naman sa harapan ang mga wala nang siglang ngiti at mata ng mga matatanda. Ikalawa, prioridad ng palabas na ito ang mga TFC subscriber kung saan malaki ang kinikita ng mga network, maliban pa sa madalas na pagpapaambon ng mga ito ng donasyon sa ilang kalahok. Status symbol na para sa mga balikbayan ang makita ng mga kakilala sa abroad na nasa Wowowee sila. Kaya naman handa silang magbayad upang makapasok at makaupo sa harapan. Ang pagbibigay nila ng donasyon ay eksibisyon ng pagkakatupad din ng kanilang sariling fantasya. Sa dibisyon na ginawa sa mga manonood, tinatanong ngayon ang sinseridad ng palabas gayundin ang nakakariwasang manonood.

Sa huli, hindi fairy tale ng pagyaman ang hangad ni Jamal. Nais lamang niyang muling makita at maangkin ang minamahal na si Latika. Sa isang bansang ipininta sa pagdarahop, namamayani pa rin ang paghahangad ng tunay na pag-ibig. Ginamit na rin ito ng Wowowee, ang pagkapital sa pamilya at pag-ibig. Sa Willie of Fortune, nagsasalita ang kalahok at kadalasan testimonial ito ng pag-ibig niya sa kanyang mga magulang o minamahal. Kinakailangang sagutin din ito ng kasamang inalayan ng testimonial. Ang sagutang ito ang nagpapatibay sa kanilang relasyon manalo o matalo man ang kalahok. Ang segment ng pagpapakita ng talento ay mahahalintulad din sa katapusan ng Slumdog Millionaire kung saan ang buong cast ay nagsayaw upang sabihin na walang mas mahalaga sa mundo kaysa pag-ibig.

Posted at 03:20 pm by nosferatujoe

 

Leave a Comment:

Name


Homepage (optional)


Comments







Previous Entry Home Next Entry



   





<< February 2009 >>
Sun Mon Tue Wed Thu Fri Sat
01 02 03 04 05 06 07
08 09 10 11 12 13 14
15 16 17 18 19 20 21
22 23 24 25 26 27 28

Sources of Knowledges

  • Electronic Encyclopedia

  • De-kuryenteng Dyaryo ni Gates

  • Diyaryo sa Net

  • Mga Tula at Makata

  • Tula para sa Kinahong Alamat

  • Diyaryo sa Net

  • Panitikan Para sa Bayan

    Mga Kapanalig

  • Marie, the Muse, the Diva

  • Oliver, the Saint Vladymir

  • Coreen, Sue Len in California

  • Allan and Jane, the Jacklyn Jose Admirer

  • Ian, The Cursed

  • Dong Abay, Ang Bagong Flipino

  • Kiko, LIRA

  • Mary Ann, Ang Umiiyak na Alitaptap

  • Mark Angeles, Soulfly

  • Charles, Katomang Siquey

  • DodoBird's Music Review

  • Apartment ni Mykel

  • Sarah Crespo, ang Muse sa Avenue

  • Nostalgia Manila

  • I Love Honey ni Elaine

  • Waytbord nila Ergoe en Nanoy

  • Mga Murmur ni Ninong

  • Sushi Journal ni Eunice

  • Ronald, The Wind-Up Tool

    Music, the Food of the Hungry Thoughts

  • Bridge

  • Coffeeshop Conspiracies

  • Daydream Cycle

  • Acid 42

  • Hellbender

  • Kinkyhooters

  • Drip

  • Updharma Down

  • Brian Cua

    SONG OF THE MOMENT


    Habulan - Sound


    ganito pala ang mundo
    matulin ang takbo
    laging naghahabol sa pangako
    bilisan, bawat hakbang
    nahihilo
    isang ulila sa gitna nitong gulo

    sari-saring damdamin
    halu-halong hangarin
    naghahabulan

    tagumpay nalumbay
    sa kamay ng kapalaran
    o taya ka na naman
    takbo, takbo, sana’y makarating
    sa wakas ng pagkatuliro
    sa pag-ikot nitong daigdig

    habol nang habol

    pagkakataon di palalagpasin
    di magpapahuli kahit sandali
    huwag na sana maiwan muli

    bilisan, bawat hakbang
    may dalang pag-alinlangan
    papunta, pabalik
    nagbibilang ng saglit, heto na
    ba’t lagi pang natataya?

    manipis ang silip ng buwan
    di namamasdan
    ang paglipas ng oras
    nangangapa pa rin sa dilim

    habol nang habol
    sana’y makarating









  • Contact Me

    If you want to be updated on this weblog Enter your email here:




    rss feed