Royalties Not Included: Read at your own RISKS



Wednesday, May 20, 2009
Book Lovers Gising

Book Lovers Gising
(mula kay Jun Balde)

Nakakuha na naman ang gobyerno ng bagong paraan upang gatasan ang taong bayan. Ang masakit lang, tayong mahihilig sa libro ang bagong gatasang baka.



Kalagitnaan ng Pebrero, 2009 nang harangin sa Ninoy Aquino Customs Warehouse ni Customs examiner Rene Agulan ang lahat ng shipment ng librong papasok ng bansa. Ang dahilan: hindi raw duty-free ang importasyon ng libro.



Ito ay labag sa probisyon ng UNESCO Florence Agreement ng Hunyo 1950 na sinalihan ng ating bansa. Nang magreklamo ang mga booksellers (na nag-import ng libro), ay itinuro ng Bureau of Customs (BOC) ang probisyon na para pumasok sa Florence Agreement, kailangang rehistrado ang mga importer sa National Book Development Board (NBDB).



Nang mapatunayang rehistrado nga sa NBDB ang mga importer, ay sinilip naman ang probisyon ng RA 8047 (Book Publishing Industry Act), na ayon sa Dept. of Finance (DOF), ay applicable lamang sa “duty-fee importation of books or raw materials to be used in book publishing…” Sa madaling sabi, ayon kay Usec Estela V. Sales, ng DOF, Revenue Operations Group: libre lamang ang importasyon ng libro kung ang librong inaangkat mo ay gagamitin sa paglimbag ng libro! Ano kayang libro ang aangkatin mo para maglimba ng libro? Kengkoy di ba?



Sa bandang huli, bumalik sa 1957 Philippine Tariff and Customs Code (PTCC), na amended ng PD1464 ni Marcos, at muling na-amyendahan noong 1987. Noong ika-24 ng Marso, 2009 ay naglabas si DOF Sec. Teves ng Department Order: Clarificatory Guidelines on Duty-Free Importation of Books na nagpapataw ng 1% tax sa mga librong pang-educational, scientific, historical at kultural, at 5% tax sa iba pang libro, at lalo na sa mga materyal at books na hindi naman gagamitin sa book publishing(Believe it or not nasa directive iyan ni Teves!).



Sa kabila ng mga teknikalidad ay ito ang mga dapat malaman (at saliksikin) ng mga mamamayang mambabasa:



1. The fundamental article of the Florence Agreement of 1950 is to: ‘...collaborate in the work of advancing the mutual knowledge and understanding of peoples (...) and to that end recommend such international agreements as may be necessary to promote the free flow of ideas by word and image.’ The major purpose of the Agreement: is to make it easier to import educational, scientific and cultural materials. Hayan, cut & paste na iyan para hindi ako magkamali sa pagsipi ng napakahalagang kasunduang ito ng mga bansa sa buong daigdig.



2. Hindi lamang pagpapalaganap ng kaalaman at pang-edukasyon, kundi ang pag-angat ng literacy ng mga tao ang layunin ng Florence Agreement. Kaya naman maraming bansa, lalo na ang mga 3rd world countries, ay ipinamumudmod nang libre sa tao ang mga libro, lalo na ang mga imported books na naglalaman ng mga bagong kaalaman at teknolohiya, na malimit ay nagmumula sa mga 1st world countries. Sa ganitong paraan lamang may pag-asa tayong humabol sa kaalaman ng mayayamang bansa.



3. Dito sa loob ng bayan nating sawi, ang ipinamumudmod nang libre—kung hindi pa ninyo napapansin—ay mga biographies ng kakandidato sa 2010!



4. Ang tawag sa DO ni Teves ay hampas sa kalabaw, sa kabayo ang latay. Ang book tax na ipapataw sa importation ng libro ay tiyak na ipapasa lamang ng mga booksellers sa kawawang mamamayang gustong magbasa at mga estudyanteng obligadong bumili ng libro. Dahil sa nangyaring ito, asahan na tataas ang presyo ng mga libro sa buong bansa. Mababawasan ang makabibili ng libro.



5. Karagdagang Aralin at Dapat Saliksikin:



1. Ang buwis ba sa libro ay makadaragdag sa pondo ng gobyerno? Kapag tumaas ang halaga ng libro, mababawasan ang benta ng libro. Kasi hindi na siya affordable. Kapag kaunti na ang bumibili ng libro, kaunti na rin ang librong aangkatin ng mga booksellers. Kapag kaunti na ang importasyon, kaunti na rin ang makokolektang buwis. Sabi ng bata: pakontinangpakontin angpakonti…
2. Ang buwis ba sa libro ay makakarating sa kabang-yaman ng gobyerno? Siyempre, kilala natin ang katapatan sa panunungkulan ng mga taga-Customs, di ba? Siyempre, katulad ng dating gawi, hindi nila ito ibubulsa. At siyempre, alam natin kung saan napupunta ang pondo ng gobyerno.
3. Bakit kaya pagkaraan ng mahigit limampung taon, ngayon lamang na nalalapit ang eleksyon sa 2010 nagpapataw ng buwis sa libro? Limampung taong bobo ang mga dating nasa Customs?
4. Ang mga taga-Customs ba ay eksperto sa pag-classify ng libro? Alam kaya nila kung educational ang Fanny Hill ni John Cleland? Alam kaya nila kung scientific ang mga librong Blindness at Seeing ni Saramago? Alam kaya nila kung classic ang Kama Sutra?
5. Ano ang magyayari kung hindi ma-classify ang educational at hindi educational? Mauuwi kaya ang pagtasa ng buwis sa tawaran? Halimbawa: “Bossing, actually 5% tax ‘yan, resibuhan na lang natin nang 1%, ‘yong difference, hati na lang tayo, naka-save ka pa ng 2 %.” Yehey! May bagong pagkakakitaan na naman!
6. Sa ganitong kalagayan, ano ang maaaring gawin ng mga apektadong mamamayan? Mamili ng tamang sagot:

1) Magbuo ng samahan upang maglobby sa Congress at Senate para ma-recall ang DO ni Teves;

2) Sumulat ng open letter at ilimbag sa lahat ng newspapers, websites, blogs, tabloid, at text messaging;

3) Magrally sa BOC, DOF, DEPED, at Malakanyang;

4) Sunugin ang effigy ni: a) Agulan, b) Sales, c) Tevez, d) GMA, e)JUNBALDE (dahil sa pagsulat ng artikulong ito).

Posted at 01:43 pm by nosferatujoe
Make a comment  




Thursday, February 05, 2009
Ang Slumdog Millionaire, Ang Wowowee: Ang Kultura ng Gameshow

Nang ihayag ang pagkapanalo ng pelikula ni Danny Boyle sa Golden Globe Awards bilang Best Picture – Drama marami na ang pumusta sa nominasyon at pagkapanalo nito sa Academy Awards. Sa panahon kung saan ang Amerika ay may hang-over pa sa pagkapanalo ni Barack Obama at sa unti-unting pagkakadama sa pinansyal na krisis, isang fairy tale ang magbibigay sa kanila ng fantasya ng pag-asa’t pag-ahon.

Umiikot ang drama ng nasabing pelikula kay Jamal Malik, isang binatilyong namuhay sa paghihikahos at nasa isang tanong na lamang patungo sa jackpot ng gameshow na ‘Who Wants To Be A Millionaire?’. Dahil sa walang pinag-aralan, sinususpetsahan siya ng pandaraya sa nasabing programa. Kung ang mga may pinag-aralan ay hindi nagagawang makarating sa tuktok ng pagkapanalo, papaano pa nga raw ang katulad niyang lumaki bilang Muslim, pulubi, wating, at serbidor sa isang call center. Sa interegasyon ng pulis, nabigyang linaw ang mga dahilan ng pagkakaalam niya ng sagot sa mga tanong. Nagmula ito sa karanasan niya.

Ganito rin ang formula ng mga gameshow sa Filipinas tulad ng Wowowee. Tinatanong ng host na si Willie Revillame ang mga kuwento sa buhay ng mga kalahok. Kadalasan, sa portion na Willie of Fortune, napapaiyak ang mga kalahok habang isinasalaysay ang paghihikahos, paghihiwalay ng pamilya, pag-iibigan, pag-asa. Matapos lumuha, ay tatanungin sila kung ano ang talent nila. Madalas, ‘sasayaw po Papi’ o ‘kakanta po Papi’ ang sinasagot nila sabay tungo sa gitna ng entablado para igiling ang matitigas na katawan at/o ibirit ang sintunadong boses. May kalakip na limanlibo (o higit pa depende kung nagustuhan ni Willie ang disposisyon, pananaw, karateristik, o talento ng kalahok) ang spectacle na ito bilang automatikong kabayaran sa mga kalahok bilang taga-aliw. Sa portion na ito, naghahalo ang drama, comedy, at musical hanggang sa puntong naitatanong mo kung totoo ba ang lahat.

Ang sinseridad ba ng host ay nasa pag-abot ng kalahok na makuha ang premyo? Sinagot ng Slumdog Millionaire ang hipokrisidad ng mga host. Una nilang priyoridad ang magbigay ng aliw. Dito natin mapapansin na ang mga gameshow ay nakahulma sa ideya ng pagbibigay ng charity sa pamamagitan ng entertainment. Ang pagbibigay ng maling sagot ng host sa pelikulang ito sa pinaka-crucial na bahagi ng show ay pagtatantiya ng pagdagsa ng mga katulad ni Jamal na humawak sa ideya ng pagpanalo ng malaking halaga. Sa pelikula, nakita rin natin na kumakapit ang masa ng India sa pag-asang dulot ng ganitong mga palabas, samantalang ang mga may-kaya ay din nahuhumaling dahil sa may pera na sila’t mas gusto na lamang nilang bigyang suporta ang kanilang atleta. Ganito rin ang kalakaran ng mga gameshow sa Filipinas. Kung babalikan natin ang pagkapanalo ni Sharon Cuneta sa Philippine Edition ng Who Wants To Be A Millionaire, mas nagbukas ito ng maraming pinto ng pananalig mula sa ibang manonood, karamihan ay nagmula sa gitnang uri na naniniwala na may kakayahan at talino sila na higit pa kay Mega. Ang edisyon din ng nasabing gameshow ang nagtaas sa pot money ng mga gameshow portion ng mga variety show tulad ng Eat Bulaga. Kung dati’y sapat na ang 100,000 ngayo’y itinaas nila ito hanggang 1 milyon, at may ilan pa tulad ng MTB ang nagsama ng bahay at lupa sa kanilang Pera o Bayong. Sa kasalukuyan, na-revolutionize na ang variety show tulad ng Wowowee.

Sa Wowowee, nawala na ang mga production number ng mga inimbitahang artista. Sa bawat simula ng palabas, lalabas si Willie Revillame para kantahin ang mga sariling kanta. Paulit-ulit. Araw-araw. Nagmimistulang lunsaran din ito ng kanyang career bilang isang host at recording artist. Hindi nagpapadaig si Revillame sa itinakdang standard ng Tito, Vic, and Joey sa pagiging host ng isang pantanghaling variety show. Pangunahing manonood ng nasabing palabas ay mga maybahay, tambay, at katulong. Sa ganitong pamamaraan ng hosting, nabibigyang aliw at fantasya ang manonood. Nasasarili nila ang oras at naangkin din ito kapag nakikitawa’t nakikiiyak sa mga kalahok sa palabas. Nasasalamin nila ang mga sarili. Sa mga ganitong host din nila nararamdaman ang sinseridad na pakinggan ang kanilang mga hiling at hinaing. Tapos na ang mga panahon ng mga artikulado at smart na mga host tulad nila Eddie Mercado. Kung lalabas man sila, magmumukhang pangmayamang charity ball ang kanilang tinatanghal.

Problematiko ang sinseridad ng mga host ng Wowowee at ang mga katulad din niyang variety show. Sa portion na Hep hep Hooray, madalas kumukuha sila ng mga senior citizen sa mga audience. Mga matatandang umaasang magkakaroon sila ng kaunting salapi na maari nilang ipantulong sa sariling pamilya. Ngunit bago sila mapili bilang kalahok ay makikisayaw muna sila sa hit song ni Revillame. Muli ipinapaalala sa atin ng mga novelty na kanta ni Revillame na lahat ay masaya, na kailangang gumiling para makalimutan ang problema; na si Revillame bilang recording artist at host ay may puso sa bawat kapamilyang Filipino. Sa pagsayaw nila, natutuwa tayo bilang manonood sa mga komikong pagpapansin nila. May ilang pinagtatawanan natin dahil sa nagmamakaawang mukha habang sumasayaw. Hindi nalalayo ito sa mga batang pulubi sa Slumdog Millionaire, na kailangang bulagin upang mas lalong kaawaan. Kapwa ang mga bata at matatanda ay biktima ng eksploytasyon. Ang mga bata sa pansariling kita ng lider ng gang, at ang mga matatanda para sa ratings ng show.

Nakakatuwa rin na pansinin ang designasyon ng upuan ng mga manonood. Ang mga senior citizen ay inilagay sa pinakamataas na sulok samantalang ang mga TFC subscriber ay malapit sa host. Dalawa ang maaring pagbasa rito. Una, inilagay ang mga maayos na itsura ng mga TFC subscriber upang ipakita ang karangyaang hatid ng nasabing palabas. Magmimistulang eye sore lamang sa camera ang mga kinukupas at pinaglipasan ng moda mga damit ng mga matatanda. Ang mga matatambok na pisngi ng nakakariwasa at naggagandahan nilang ngiti ang madalas maipapakita upang magmistulang vibrant at masaya ang show. Mistulang Kapwa ko, Mahal ko kung ilalagay nga naman sa harapan ang mga wala nang siglang ngiti at mata ng mga matatanda. Ikalawa, prioridad ng palabas na ito ang mga TFC subscriber kung saan malaki ang kinikita ng mga network, maliban pa sa madalas na pagpapaambon ng mga ito ng donasyon sa ilang kalahok. Status symbol na para sa mga balikbayan ang makita ng mga kakilala sa abroad na nasa Wowowee sila. Kaya naman handa silang magbayad upang makapasok at makaupo sa harapan. Ang pagbibigay nila ng donasyon ay eksibisyon ng pagkakatupad din ng kanilang sariling fantasya. Sa dibisyon na ginawa sa mga manonood, tinatanong ngayon ang sinseridad ng palabas gayundin ang nakakariwasang manonood.

Sa huli, hindi fairy tale ng pagyaman ang hangad ni Jamal. Nais lamang niyang muling makita at maangkin ang minamahal na si Latika. Sa isang bansang ipininta sa pagdarahop, namamayani pa rin ang paghahangad ng tunay na pag-ibig. Ginamit na rin ito ng Wowowee, ang pagkapital sa pamilya at pag-ibig. Sa Willie of Fortune, nagsasalita ang kalahok at kadalasan testimonial ito ng pag-ibig niya sa kanyang mga magulang o minamahal. Kinakailangang sagutin din ito ng kasamang inalayan ng testimonial. Ang sagutang ito ang nagpapatibay sa kanilang relasyon manalo o matalo man ang kalahok. Ang segment ng pagpapakita ng talento ay mahahalintulad din sa katapusan ng Slumdog Millionaire kung saan ang buong cast ay nagsayaw upang sabihin na walang mas mahalaga sa mundo kaysa pag-ibig.

Posted at 03:20 pm by nosferatujoe
Make a comment  




Sunday, October 26, 2008
Libog at Ang Muling Pagkabuhay: Dalawang Tula

Heograpiya
Enrique Villasis

Nakalatag na mapa ang katawan
Sa tuwing ikukubli namin sa ngalan
Ng mga anyong-lupa ang mga bahaging
Tinatago ng saplot: ang mga nakaumbok
Na laman ay bundok o bulkan
Kung bumubulwak ng gatas o tamod.
At sa mga inosente naming hagikhik, ilahas
Ang mga imahenasyong gumagalugad sa kasulukan
Ng laman. Sa bawat paglalakbay, bitbit namin
Ang mga pangambang mahuli ng matatanda,
Ang tampal sa bibig, asin sa tuhod, ang lisik
Ng mga matang sumusugat sa aming pagkamulat.
Altar ang katawan, sagrado ang laman.

Baon-baon ko ang mga lihim na ngalan
Nang inilatag ko ang iyong likod sa umaalon-along
Kumot. Sumisila ang ilang alaala--
Kung papaano namin hinuhubog ang libog
Sa pagbuo ng mga suso mula sa buhangin at bigyan
Ng pangalang Makiling, Mayon, Sinukuan.
Sa alamat, hinulma't nilutong luwad ang lawas.

Hinubad ko ang mga pagkilalang ito sa katawan
Nang iginiya mo ako sa pagitan ng iyong mga kiliti.
Estranghero ang aking mga halik at ligalig ang ilang
Na mga haplos. Sinisimsim ko ang unang pagtapak,
Kinikilala ang kasukalan ng bawat pagbalikwas.

Sa dulo, bulong mo, kapwa natin matatagpuan
Ang misteryo ng katawan. Malayo sa hiwaga
Ng heograpiya, pagdurugtong ko. Nagkabitak-bitak
Ang iyong hininga't inararo ng iyong kuko
Ang aking likod nang nagsalikop ang init
Ng ating mga katawan, kapwa nag-aalimuom.


Domingo Pascua
Enrique Villasis

Pinapangatal ng mga nahulmang mukha sa usok
Ang mga dahon. Ngayon lamang kami nakapaglinis.
Mistulang sementeryo ang bakuran
Simula nang pagkakapako, simula ng huling batingaw
Ng simbahan. Naglagas ang mga puno kasabay
Ng paghihinagpis ng mga matandang babae, humihingi
Ng kapatawaran para sa asawa, anak, sarili.
Isinakatuparan nila taon-taon ang habilin ng Maestro.
Kanina, nadinig namin ang unang kalembang
Kasabay ng unang tampisaw. Hinuhunos ng lamig
Ng tubig ang mga namuong pangamba sa pagkamatay
Ng Panginoon--ang pagsalakay ng mga aswang,
Ang tukso ng mga demonyo. Muling nagkatagpo
Ang kutsilyo, sangkalan, at karne sa kusina. Sa kalan,
Sumisirit ang mantika, bawang, at sibuyas. Muling
Nabuhay ang pagkatakam namin sa laman, at sa labas
Umaawit ang mga kerubing may mga huwad na pakpak.

Posted at 03:23 pm by nosferatujoe
Comment (1)  




Wednesday, October 15, 2008
Nawawalang Cellphone

and we would realize all the things when we lost them
- Clinically Dead for 16 Hours, The Camerawalls


Oo repa yung 3310 ko na cellphone na may housing na nababakbak na blue na may Taz. Yung cellphone na may gomang green sa loob, pinulupot sa LCD para di mawasak ang graphics noon. Yung cellphone na nilalangis ang loob. Basta yung cellphone na nabili ko 3 years ago mula sa magnanakaw na taga-Dagat-dagatan. Binili ko sa unang sweldo ko.

Kailangan ko nang bumili ng panibagong phone. Yung gawang China na madami sa Raon. Yung pwede ang dual sim. Yung may mp3 player. Yung may high resolution camera. Basta yun na yun. Yung mura lang, 3K lang daw yun.

Salamat na lang sa mga alaala cellphone kasama na rin ang mga numero ng contacts. Mga patay na alaala na lang yung mga nakatagong messages dun lalo na yung mga picture messages na pinadala ng Mommy Angel ko. Salamat sa pag-alala kung anong oras na tuwing nasa trabaho ako. Tama nga ang isang makata, isang kabaong ang cellphone - sisidlan ng mga namatay na alaala.

Posted at 06:45 pm by nosferatujoe
Make a comment  




Wednesday, August 06, 2008
[Lyrics] Wish Ko Ako si Kevin Barnes

Voltaic Crusher / Undrum to Muted Da

I write a thousand songs for you a day
But I never run out of things to say
You're my Ulysses that I'll never end
Now that I fucked up, lost you, sweet friend

Everything is in the trash, and it's my fault
I've destroyed us, I know, it's unrecoverable
If there's a God he will repair your heart
If there's a God, send her an angel
Make him handsome and clever and not crazy
And you notice something wonderful
Someone to love her volcanically

And please, please, please God, don't be a bastard
Christ knows she deserves something nice for a change
Christ knows she deserves something nice for a change

I am a flaw, I'm a mistake
I am faulty, I always break
I tried, you don't believe me, but I did
I tried to mature, be responsible, dot dot dot
But my heart is juvenile
And my character's not so hot

You gave me your hand, I gave you a fist
Please don't lose any sleep over me, baby, I hardly exist

You gave me your hand, I gave you a fist
Please don't lose any sleep over me, baby, I hardly exist

You gave me everything, still I resist
Please don't lose any sleep over me, baby, I hardly exist
I hardly exist


The Past Is a Grotesque Animal

the past is a grotesque animal and in it's eyes you see
how completely wrong you can be
the sun is out it melts the snow that fell yesterday
makes you wonder why it bothered
i fell in love with the first cute girl that i met
who could appreciate george bataille
standing at swedish festival discussing the "story of the eye"
it's so embarrassing to need someone like i do you
how can i explain i need you here and not here too
I'm flunking out i'm gone i'm just gone
but at least i author my own disaster
performance breakdown and i don't want to hear it
i'm just not available things could be different but they're not
the mousy girl screams violence violence
she gets hysterical cause they're both so mean and it's my favorite scene
but the cruelty's so predictable it makes you sad on the stage
though our love project has so much potential
but it's like we weren't made for this world
though i wouldn't really want to meet someone who was
do i have to scream in your face?
i've been dodging lamps and vegetables
throw it all in my face i don't care
let's just have some fun let's tear this shit apart
let's tear the fucking house apart
let's tear our fucking bodies apart but let's just have some fun
somehow you've red rovered the gestapo circling my heart
and nothing can defeat you no death no ugly world
you've lived so brightly you've altered everything
i find myself searching for old selves
while speeding forward through the plate glass of maturing cells
i've played the unraveler the parhelion
but even Apocalypse is fleeting there's no death no ugly world
sometimes i wonder if you're mythologizing me like i do you
we want our film to be beautiful not realistic
perceive me in the radiance of terror dreams
and you can betray me but teach me something wonderful
crown my head crowd my head with your lilting effects
project your fears on to me
i need to view them see there's nothing to them
i promise you there's nothing to them
i'm so touched by your goodness you make me feel so criminal
how do you keep it together? i'm all all unraveled
but you know no matter where we are
we're always touching by underground wires
i've explored you with the detachment of an analyst
but most nights we've raided the same kingdoms
and none of our secrets are physical now

Posted at 08:17 pm by nosferatujoe
Comment (1)  




Friday, August 01, 2008
[Prose Poem] Segben

Segben
Enrique Villasis

At tulad ng balita sa pagkalambat sa kataw, lumangoy ang pag-aalinlangan na may nasilong segben.

“Papaano mahuhuli ay kay bilis nitong tumakbo,” pagdududa ng kapitan ng baranggay.

“Nasa pangangalaga ng mga aswang ang nilalang,” pagpapaliwanag ng albularyo.

“Kathang isip lamang ito at nahihibang lang si Tonyo,” pagpapatuloy ng bagong abogado.

“Simula nang mamatay si Piling nabuwang na yang si Tonyo,” paglalahad ng tsismosa.

Wala ang kabiyak na tsinelas kinakaladkad ni Tonyo ang tapang na iharap ang nahuli. Sumisingaw ang kurtinang-alinsangan ng katanghalian nang sinuong niya ang uka-ukang kalsada, hila-hila ang walang lamang hawla. Sa mga kabahayan habang kumakalansing ang mga kubyertos, kinubkuban ang kanilang hapag ng sumusulak na amoy. Nakakasulasok. Iba’t-iba ang amoy batay sa edad: nasusunog na patay na daga para sa mga bata, nabubulok na isda sa umaalimuom na kalsada para sa matatanda. Ang mga isinusubo ay kani-kanilang naiduduwal.

“Iyon na ang segben,” at nasamid sila sa kanilang mga naunang pahayag.

Sumirit ang pagsisiguro. Sinilip ng taumbayan si Tonyo na huminto sa sangandaan, sa sentro ng kabayanan, sa tapat ng plasa, simbahan, pamilihan, at bahay-pamahalaan. Wala silang nakita kundi ang walang lamang hawla.

May ibang naglabas ng himutok, may ibang nagpakawala ng uyam. Dumaluyong ang kanilang saloobin. Sumagimsim kay Tonyo ang nangyari sa mangingisdang nakalambat daw ng sirena: sa institusyon ito humantong. Subyang ang dinulot na kahihiyan kaya ipinatapon kahit ng mga kamag-anak. Umaagos ang taumbayan patungo kay Tonyo. May ibang bitbit pa ang kanilang kutsara, may ilang may mumo pa sa labi, ang iba’y hindi na nagawang magpalit ng kanilang damit na may bakas ng tumambalik na tiyan.

“Ipapakulong kita,” pagsusumbat ng tsismosa.

“Maari kitang kasuhan at pagbayarin sa naiduwal kong letson,” pananakot ng bagong abogado.

“Ipapatapon ka namin sa mental,” pagtatapat ng albularyo.

“Oo, magsasama na kayo ni Macario,” pagsususog ng kapitan ng baranggay.

Sa munting daigdig ng kawalang laman ng hawla, pinunan ito ng lilim, ng dilim. At sa mga nagsalikop na anino unang lumitaw ang pulang mata, sinundan ng maiitim at tayong-tayong tainga. Alanganing aso, alanganing kambing ang bumungad sa mga dumating. Maiksi ang harapang binti na tila tumutuwad na tao.

At sinakluban sila ng hilakbot nang makitang tila damong ginagapas ng matutulis na ngipin ang kani-kanilang anino. At sa pagsulyap ng pulang mata sa mga nangangatog na balintataw ng taumbayan ay ang pagbalingungoy ng bawat isa.

Wala pang isang buwan nang mamatay ang bayan. At sa bawat inilalamay, tatlo o apat na segben ang nakikibisita. At nang dumating ang gabing hindi nasilo ni Tonyo ang huling hininga umangil ang kidlat at nilukuban ng masangsang na amoy ang kanyang kubo – tila isang nabubulok na isda sa maalimuom na kalsada.

Posted at 02:36 pm by nosferatujoe
Comments (5)  




Tuesday, June 24, 2008
[Panitikan] Mga Tula Muna

Fete dela Musique
Enrique Villasis

May handog na pag-asa ang awit na namamayagpag,
Ayon sa bokalista. Nadarama ng mga manonood

Ang humihinang ulan at mga bata silang nabiyayaan
Ng kalayaan nang nilisan nila ang mga sinilungan.

Pinalitan ng habagat ng himig mula sa gitara at hugong
Ng tambol ang kaninang binabasang kasiyahan.

Ang kaninang tikatik, ngayo’y titik na kumakawag
Sa parke at mga tili ng pagsamba mula sa manonood.

Elemento ng paglikha ang musika, ang unang linyang
Sumagi sa isip ng isang makata minsang pinaglimian

Ang sinusulat na tula. Jazz ang nagroromansa sa kanyang
Pananaludtod. Kung minsan blues ang kanyang kaulayaw.

Isinasalin niya sa mga saknong ang pakikipagtalik
Kina Beethoven, Mozart, Ellington, at Fitzgerald.

Maaring subyang sa kanya ang musika ng bandang
Halos mga ibong nag-antay sa pagtila ng ulan.

Ngunit walang sugat sa talampakang inakay ng mongoloid
Ang paralitiko patungo sa damuhan ng parke. Sa koro,

Inilabas ng bokalista ang saloobin ng awit – Tuloy, tuloy
Ang ikot ng mundo, di ito hihinto para lang sa’yo
-

At walang pakialam na isinayaw ng mongoloid
Ang kasama. Nakatuping daliring inilagay

Ng paralitiko ang kanyang kamay sa bukas kamay
Na kasayaw. Nilula nila ang isa’t-isa sa daluyong

Ng awit. Mga mukha nila’y binasa ng kasiyahan at lumulundag
Ang kanilang damdamin kasabay ng pagtatalon ng bokalista.

Matapos isulat ang tula, aayain ng apo ang makata
Na sumayaw sa saliw ng disco. Iling ang isasagot ng matanda.

Nanakit ang aking buto isasagot niya. Bubuksan ng bata
Ang stereo at sasayaw sa harap ng lolo. Iaabot niya ang kamay
Na tatanggapin naman ng makata. Magbabalik sa kanya
Ang unang linya ng katatapos na tula habang hawak-hawak

Ng kanyang apo ang matanda niyang beywang at pakakawalan
Niya ang damdaming tila ibong nag-aantay sa pagtila ng ulan.



Ang Pasada ng Banda
Enrique Villasis

Matapos ang muling pagpito ng pinuno, pumaimbabaw
Ang palahaw ng musika mula sa torotot at tambol.

Nasa harapan sila ng sementeryo nang nagsaliwa
Ang hampas ng mga mananambol at napiyok

Ang pag-ihip ng manonorotot. Nilibot nila ang bayan,
At nilimot ng mga taumbayan ang kanilang hatid.

Walang humahabol na mga bata at tanging kahol
Ng mga aso ang nakikisabay sa kanilang martsa.

Dinungaw sila ng mga babae at napaantada sa hila-
Hila ng kanilang pila. Walang piyesta kaysaya ng musika,

Ang sumagi sa isip ng mga nakadungaw. Naghagis
Ng barya ang nagtitinda ng isda. Pampaligaw sa malas

Habang banda’y rumarampa. Hindi nakisabay ng busina
Ang nakasalubong na dyip. Usad uod nang matanaw nito

Sa malayo ang mga nakaputing musiko at nang makalagpas,
Kidlat itong kumaripas at walang lingong lumayo.

Sa pagpasok ng kabaong at nakikiramay sa loob ng kapilya
Pinasadahan na ng banda ang paghahanda sa paglalakbay

Ng yumao. Bumakat ang pawis sa kani-kanilang uniporme,
Mapa ng kanilang paglibot at tanda ng kanilang pag-aantay

Sa darating na piyesta. Sa ngayon, wala silang maiuuwing
Pagkain at sariling tiyan lang ang kaya nilang busugin.

Isang Tulang Naisulat Matapos Tanungin Ang Sarili Kung Ano Ba Ang Emo
Enrique Villasis

Tayong anak ng lumbay lamang
Ang ganap na nakakilala
Ng ganyang melodiya at lirik


Mike Bigornia, Only The Lonely

Isipin mo ako, malayo, sapat na sukat ang hindi ako
Ganap na madampian ng kasiyahan ng kabilang mesa.
Sa bawat pagtungga ng serbesa namumukadkad
Ang subyang na hatid ng musikang bumubukal
Sa enteblado. Sa madilim na sulok ng aking pag-iisa
Kasinlamig ko ang mga yelong natutunaw.

Isipin mo ako habang patuloy na hinihele ng awit
Ang mga naimpok kong lumbay. Isipin mo ang sinisipon
Na hapon, ang namimilog na patak ng ulan
Sa bintana ng bus na maghahatid sa akin pauwi.
Ritmo ng sawing pangarap ang tikatik na kumakatok
Rito. Isipin mong ninais kong ilabas ang kamay,
At kahit butil ng luha ng gabi’y meron akong maiuwi.
Isipin mong ninais kong mangarap, ngunit sadyang
Lipad banog itong hindi ko maabot.

Isipin mo ako sa bawat pagtatapos ng awit, nasa
Rurok ng paglilimi sa dalamhati. Sa loob ng silid,
Isasataludtod ang mga hindi maisaimaheng damdamin.
Isipin mo ako tulad ng pag-isip mo sa ninakawan
Ng bait, mga makatang nagsusulat ng saknong
Sa pulso. Isipin mo ang paruparong aklat na nadapo
Sa tila bagong pitas na rosas na sahig. Isipin mo ako,
Tulad ng isang sawing inuulit-ulit ang lumbay ng awit.

Posted at 07:02 pm by nosferatujoe
Make a comment  




Thursday, June 12, 2008
[Tula] Dalawang Tula Muna Tayo Saka Na Ang Kuwento

Pagpatay sa Pag-asa
Enrique Villasis

Pagmasdan ang manikin na nakaupo sa harap
Ng mesa: nakatitig sa mga kalat—tanda ng pagdaan
Ng alimpuyo ng damdamin. Tumaob na bahay
Ang mga pinggan at nagkalat na katawan

Ang mga mumo. Tumatagaktak ang butil
Ng tubig mula sa mantel. Sa magkasalikop
Na palad ng musmos sa sala nakatago
Ang kanilang kaligtasan. Inaantay ko ang dilim

Sa loob-loob ng bata. Sa labas, nagsisimula
Nang mag-unahan ang tunog-latang takbo
Ng mga traysikel at ang tangi nilang iwa’y
Mga usok na hindi na maaninag. Umaalimbukay

Ang singaw ng semento habang naging gintong
Butil sa ilalim ng posteng ilaw ang unang ambon
ng Hunyo. Sa loob ng bahay, lumalapnit ang hagupit
Ng sinturon sa puwit ng bata. May salamangka

Sa kanyang mga palad: tumagos ang liwanag
Sa pagitan ng kanyang mga daliri. Mas humapdi
Ang bawat paglapat ng paha sa kanyang balat.
Napausal siya ng dasal at naglaho ang kanyang mahika.

Pagmasdan muli ang manikin, wala siyang
Nakikita kundi ang dilim, dilim, dilim.



Daga
Enrique Villasis

Umiilandang ang kanilang kaluskos sa madaling
Araw tila mga nang-uuyam na lasenggo,
At sa mga sandaling nauulinigan ko ang kanilang
Mga kukong kumakayod sa kisame
Mulagat akong babangon upang sila’y katukin.
Tinatawag natin silang mababait dahil marunong
Silang magtanim ng galit kapag nasabihan
Ng peste o hindi kaya kapag minumura
Ngunit sa bawat alimpungat na hatid nila’y
Malulutong na katok gamit ang tambo’t
Tikom na bibig ang lumulundag sa akin
Habang iniinda ko ang pagnuot sa sentido
Ng kaninang nakakangilong pagkakayas.

Natuto na akong matulog na may katabing
walis, pangkatok at panghampas sakaling
mahulog silang tila kometa. Isa… dalawa…
tatlo… apat silang marahil na baba animo’y
anghel ng pagtutubos—handang tumikim
sa nagpapawis kong balat, sa aklat na nagkalat
sa sahig at mga damit na walang kalaban-
Labang nakasampay. Sa kadiliman ng silid,
Santelmong magpapagala-gala ang kanilang
Mapupulang mata at sa bawat pagtigil
Tutupukin ng kanilang mga ngipin
Ang anumang bagay na kanilang makagat.

Ningas ang balita noon sa bayan nang may isang
Sanggol ang ginawa pulutan ng mga daga.
Bawat lungga’y tinapalan ng tabla,
Ang iba’y sinemento bilang panabla
Sa kanilang pananalot—tanging ito lamang
Ang magagawa ng taumbayan. At sa kalaliman
Ng gabi, nanunuot sa kani-kanilang sentido
Ang kukong kumakaluskos sa bawat sulok ng bahay.

Posted at 09:58 pm by nosferatujoe
Comment (1)  




Thursday, May 22, 2008
[Kuwento] Kaputol

* ito sana ang kuwentong inihabol ko sana para sa palanca pero hindi ako confident. isa ito sa mga kuwentong nakabatay sa nauna kong tula na Kaputol din ang pamagat.

Kaputol

Enrique Villasis


Sa ikalawang pagputol ng kanyang binti, binigyan na namin siya ng taning.
“Matagal na ang apat na taon,” wika ni Papa matapos ipaubaya sa mga taga-ospital ang pagtapon sa pinutol na binti. Isasabay ang kaliwang binti ni Mama sa mga sinusunog na heringgilya, bulak, gasa, at mga kumot at kubre-kamang ipinantakip sa mga namatay. Wala pang dalawang taon simula nang pinutol ang kanyang kanang binti. Hindi niya ibinalita sa amin ang gumagapang na nana at impeksyon na kumakain dito. Itinago niya iyon tulad ng pagtatago niya sa amin na unti-unti na rin siyang binubulag ng diabetes. Kung hindi lamang umalingasaw ang masangsang na sugat habang halos tumirik na ang kanyang mga mata dala ng mataas na lagnat hindi namin malalaman na unti-unti na pala siyang nabubulok.
“Matigas kasi ang ulo ng nanay niyo,” naibulalas ni Papa. Galing Saudi, ibinenta niya kaagad ang mga naninilaw niyang mga alahas para lamang may ipanggastos sa operasyon ni Mama. Nang araw na pinutulan si Mama ng kanang binti, parang naputulan din kami ng kanang binti. Dinaing ni Papa ang mga naipon niyang alahas na kulang pa sa susunod na operasyon ni Mama para sa kanyang mata.
Kahapon lamang dumating si Papa mula Saudi. Pagkapasok ni Mama sa operating room ang siyang pagdating niya. Iniwan niya lang ang mga gamit sa bahay at diretso siya kaagad dito sa ospital. Hindi tulad ng mga uwi ni Papa na nainilaw siya dala ng mga suot na alahas, halos ang nanlilibag na leeg ang nakita namin.

Tsokolate ang unang hiningi ni Mama nang magising ito. Malutong na mura ang sinagot ni Papa. Matamis na ngiti lamang ang naibalik ni Mama. Iginalaw niya ang kaliwang hita, kinapa ang nawawalang bahagi ng katawan. Sinapo niya ang bendang nakabalot sa sariwang sugat.
“Mabuti na lamang naagapan,” sambit ni Mama habang hinihimas ang naiwan sa naputol na bahagi ng katawan. .
“At may balak ka pang patagalin,” pang-uuyam na sagot ni Papa. Simula nang naputulan si Mama ng binti dahan-dahan ang pagnipis ng katawan ni Papa. Mataba siya dati na madalas ipinagmamalaki ang dahan-dahang lumulubong tiyan dala ng kakainom ng serbesa’t alak. Sumasabay sa pagnipis ng kanyang katawan ang pagliit ng kanyang tiyan. Mabilis na rin ang pagnipis ng kanyang buhok na madalas nakababad sa init at hangin ng disyerto. Inaantay namin ang tuluyang pagpayat at pagkapanot ni Papa ngayong dalawa na ang nawala kay Mama.
Tiningnan ni Mama ang mga nakapatong na prutas. Inisa-isa niya ang mga ito. Ponkan. Mansanas. Saging. Mangga.
“Dumaan kanina si Anthony para diyan. Pumasok ang anak mo. Finals pala nila ngayon,” nang mapansin ni Papa ang pagtingin ni Mama sa mga nakapatong na handog.
“Mabuti na lamang nabayaran na kaagad ang tuition ni Anthony,” sagot ni Mama.
Naglakad si Papa patungo sa paanan ni Mama at naupo sa tabi nito. Nag-ingit ang kama nang naupo si Papa.
“Ipagbalat mo nga ako ng ponkan, anak,” utos sa akin ni Mama. Kumuha ako ng isa at sinimulang balatan ito. Nakatingin si Mama sa ginagawa kong pagbalat. Bumagal ang pagbabalat ko. Alam ni Mama na hindi ko gusto na tinititigan ako sa aking ginagawa. Alam niyang kapag nasusubaybayan ako nagiging metikuloso ako sa ginagawa. Tumitilamsik ang mabangong amoy ng prutas habang tinatanggal ko ang balat nito. Binabago nito ang amoy ng ospital – ang amoy ng sakit at kamatayan. Iniisa-isa ko ang mga puting hiblang nakakapit sa nabalatang ponkan.
“Anak, sabi ng doctor, maganda raw sa diabetes yang fiber ng ponkan. Wag mo nang tanggalin,” bilin sa akin ni Mama. Nakatingin pa rin siya sa akin. Parang nawawala ang mga guhit sa noo niya. Namalikmata ako nang makitang bumata si Mama, tulad nang litrato niyang pinuputungan siya ng korona na nakalagay sa sala. Disi-sais noon si Mama at siya ang tinanghal na Mutya sa bayan nila. Matangos ang kanyang ilong, singkit ang mata, at makinis ang balat. Mas marami pa raw ang mas maganda sa kanya, nagkataon lamang na pinakyaw ng tatay niyang negosyante ang mga tiket na binebenta niya para sa nasabing pagandahan.
Pumilas ako sa ponkan at inaabot ang iba kay Mama. Hinati niya iyon at iniabot sa akin.
“Mabuti na yang kumakain ka ng prutas,” wika ni Mama.

Sa unang pagkaputol ng paa ni Mama madalas ampalaya ang inuulam namin: ampalaya na nilagyan ng itlog, ampalaya con carne, pinakbet na mas maraming ampalaya kaysa okra, talong, paksiw na isda na may ampalaya. Kulang na lang magkaroon ng baked ampalaya o spaghetti na may ampalaya. Humusay si Mama sa pagluto ng ampalaya at madalas niyang nasusunog ang pritong isda, naglulugaw ang kanin o kaya nagkukulang siya sa tomato sauce sa menudo. Lagi niyang ipinapaalam sa amin na kailangan ng pait sa katawan para maiwasan namin ang sakit niya. Nakasanayan na namin ang kanyang luto. Nakasanayan na namin ang pait ng ampalaya.

Lumabas si Papa para kausapin ang doktor. Sinermunan muna niya si Mama tungkol sa kahalagahan ng pag-iingat ukol sa sakit niya kasama na ang hindi pagkain ng mga matatamis, kanin, at baboy. Pagtatanong ukol sa gastos ang sinagot ni Mama sa pagpapaalala ni Papa. Agad siyang umalis – nakasalubong ang mga kilay, nakakunot ang mga noo.
“Anong oras daw ako iinom ng gamot?” tanong ni Mama. Hinanap niya kung naroroon ang mga lalagyan ng kanyang mga gamot katabi ng mga prutas. Wala siyang nakita.
“Itatanong na rin po siguro ni Papa,” sagot ko sa tanong niya. “Gusto po ninyo ng saging?” pagtatanong ko sa kanya.
“Wag na. Ayus na ako.”
Tunog ng aircon ang nadinig namin matapos tanggihan ni Mama ang alok ko. Hindi ko ganap na maunawaan ang binabasa. Pinipigilan ng kawalan ng imik ang pagtakbo ng aking utak.
“Shakespeare?” pagbabasag niya sa katahimikan. Napansin niya ang binabasa kong libro. Si Shakespeare lang ang kilalang manunulat ni Mama. Nasa hayskul na siya nang nakilala niya ito. Noong maliliit pa lang kami, Romeo and Juliet ang madalas niyang ikuwento sa amin. Sa murang isip, ipinapakilala na niya ang hidwaan ng mga angkan ng dalawang mangingibig. Hindi kami nabagabag sa pagpapatiwakal nila Romeo at Juliet. Matapos isalaysay ang buod ng kuwento ay siya namang pagtanong niya kung ano ang moral lesson. Sabay naming sasagutin ni Kuya Anthony na ‘Love conquers all’ at dadampian niya ng halik ang mga noo namin.
“Albert Camus,” sagot ko sa tanong niya. Papaano ko ba sasabihin sa kanya na sa nobelang ito hindi umiyak ang pangunahing tauhan nang mamatay ang kanyang ina; na hindi ko maramdaman na sa pagtatapos ng kuwento, walang pag-ibig na susulpot sa puso ng pangunahing tauhan?
“Andami mo nang binabasa, baka sumubra ang talino mo niyan,” wika niya.
“Noong pinuputol ang binti ko, sabi ko wala na ang mga paa ko sa hukay,” pagpapatuloy niya. Huminto ako sa pagbabasa para pakinggan siya. Nabaril ang Arabo ng pangunahing tauhan ng nobela nang huminto ako. “Mas nauna pa sila sa akin,” at binasag ng kanyang pagtawa ang kuwarto. Nakingisi na rin ako sa biro niya. Hindi niya mapigilan ang pagtawa hanggang sa may nakita akong tumutulong luha.

Noong unang naputulan si Mama, kay Papa iniabot ang kaputol. Bulok, nagingitim at umaalingasaw ang mala-patay na dagang amoy. Nakalagay ito sa isang karton. Si Papa ang magdedesisyon kung ililibing ba ito o ipapasabay sa pagsunog sa mga basura ng ospital.
Matagal na tiningnan ni Papa ang dating binting kanyang madalas hinihimas, kinakagat. Kung may ipinagmamalaking bahagi ng katawan si Mama, ito ay kanyang binti. Kahit kailan hindi ito nalagyan ng peklat. Nang mauso raw ang galis nung panahon nila, tinatampalan nila ng sariwang karne ng baboy ang kanilang mga binti para maiwasan ang pagpepeklat.
Binti ni Mama ang bumighani kay Papa. Kapag naglalambing si Papa, hinahayaan niyang ipatong ni Mama ang mga ito sa kandungan niya. Pabirong kakagatin ito ni Papa at kapag inialis ni Mama ang pagkakapatong ay siya namang paghuli ni Papa sa nakawalang binti.
Tinanong pa ni Papa si Kuya Anthony kung ililibing ba nila ang binti. Kung ililibing daw nila ito para na rin nilang nilibing si Mama. Hayaan na lang daw nilang sunugin ito. Kasabay ng pagkatupok ng nabubulok na kaputol ang pagkasunog ng pangambang maaring may sumunod pang bahagi ng katawan ni Mama na mapuputol.
Hindi na kinuha ni Papa ang bagong putol na binti ni Mama. Ibinilin niya kaagad na isabay ito sa mga susunugin ng ospital.

“Pinasunog po namin yung binti ninyo,” pagtatapat ko kay Mama.
Tumigil siya sa pagtawa at sinuklian niya ng ngiti ang sinabi ko. Itinago niya sa kumot ang mga natitirang ipinagmamalaking bahagi ng katawan. Ngayon ko lamang napansin na kaunti lamang ang pinutol sa kaliwa niyang binti.
“Mabuti na rin yun. Kahit papaano wala tayong pagtitirikan ng kandila kapag November 1,” sambit niya matapos itago ang hindi pantay na ibabang bahagi ng kanyang katawan.
“Saka noong sinunog yun, mabilis na aakyat yun sa langit. Magkikita na rin sila ng kapares niya. Hindi ba masaya yun para sa kanilang dalawa,” pagpapatuloy niya. Nakatingin lamang siya sa kisame. Napansin niya kaya ang mga agiw at ilang batik-batik na dumi?
“Love conquers all. Parang Romeo and Juliet.”
Bumukas ang pinto. Pumasok si Papa. May kasama siya ngayong isang nars. Putim-puti ang suot nitong uniporme. Hindi niya ako pinansin at dumiretso siya kaaagad kay Mama. Mula sa dala-dala niyang trey na may hawakan at gawa sa kahoy inilabas niya ang isang record sheet ng pasyente gayundin ang pansukat ng blood pressure. Nakita ko ang pagngiti niya kay Mama na sumukli rin ng isang ngiti na tila matagal na silang magkakilala. Ngiting nakalaan sa malalapit sa buhay ni Mama.
“Okay na po ba ang pakiramdam ninyo?” tanong ng nars. Matinis ang boses niya. Inilagay niya ang earpiece ng stethoscope sa kanyang tainga. Hindi ko alam kung nadinig niya ang pagsagot ni Mama ng “Medyo, okay na”.
Kinuha ng nars ang kaliwang kamay ni Mama. Ibinalot ng nars ang istrap ng pansukat ng BP dito at ipinatong ang stethoscope sa pulso malapit sa pinagbalutan. Ilang saglit pa sinimulan niya nang kunin ang blood pressure ni Mama. Piniga niya ang isang maliit na bomba na nagbibigay ng pressure upang maghigpit ang istrap sa kamay ni Mama. Ilang beses na rin akong nakaranas na magamitan nito.
Kinawayan ako ni Papa nang tinanggal ng nars ang earpiece ng stethoscope. Isinulat ng nars ang nakuhang pagbasa sa kanyang dalang record sheet.
“Bumili ka muna ng pagkain mo,” sabay abot sa akin ni Papa ng isandaan. Kapag magtatalo sila ni Mama, madalas niya kaming pinapaalis ni Kuya sa bahay. Binibigyan niya kami ng pang-arcade o panggastos sa mall. Pagdating namin sa bahay, makikita naming naglilinis si Mama ng mga basag na gamit. Pinag-iingat kami na baka may maapakan kaming bubog. Basang-basa ang mata niya habang winawalis niya ang mga nakakalat na basag at bubog. Nang naputulan si Mama ng binti, hindi na namin siyang nakitang naglilinis ng mga itinapong bagay hanggang sa maging bubog ang mga ito. Hindi na rin namin naranasan ang suhulan para hindi namin marinig o makita ang pag-aaway nila ni Papa. Hindi na rin namin siya nakikitang basang-basa ng luha.
“Papabili po ba kayo,” sambit ko matapos makuha ang inabot sa aking pera.
“Sa’yo na yan. Busog pa ako,” sagot ni Papa.
“Kayo, Ma?” sabay baling ko ng tingin kay Mama. Patayo na ang nars at paalis na rin ito.
“Kung ibibili mo ba ako ng chocolate,” pabiro niyang sagot sa akin. Napansin ko ang pagkunot ng noo ni Papa tila hindi masakyan ang biro ni Mama. Kung nasasakyan man niya iyon, ayaw niya ng ganung uri ng biro. Tila pakikipagbiro na iyon kay kamatayan.

Isang sundae lang ang binili ko. Caramel ang inilagay na karagdagang flavor. Wala akong pakialam na namamana ang diabetes tulad ng pagkamana ko kay Mama ng kanyang maliliit na tainga, hugis ng mukha, at pagkasingkit ng mga mata. Kailangan ng katawan ang tamis, ito ang madalas ipaliwanag ni Mama kapag nakikita namin siyang kumakain ng tsokolate o kaya kung magpapabili ng ice cream. Matatamis na pagkain ang nagpapasaya sa tao.
Pinili ko na rin ang manatili sa fast food na pinagbilhan ng sundae. Muli kong binuklat ang nobelang binabasa ngunit hindi ko ito masundan. Nadidinig ko ang mga matitinis na sigaw ng mga bata sa loob ng playground. Ibinaling ko ang tingin sa mga naglalaro. Iba’t-ibang kulay ang bumabalot sa palaruan. Pinanood kung papaano, magtatakbo ang mga maliit na paa ng mga bata. May ilang napapatid ng mga bolang nakakalat dito. May ilang paa ang nauunang bumaba mula sa slide at saktong babagsak sila sa mga makukulay na bolang nakakalat. Tatalbog ang ilan. Tatamaan ang isang munting binti ngunit hindi ito papansinin. Tuloy-tuloy sila sa paglalaro. Wala akong naririnig kundi ang kanilang kagalakan.
Nang inilabas namin si Mama mula sa ospital matapos siyang unang naputulan, dito kami pumunta. Naghanap si Mama ng hamburger. Habang kumakain hindi niya napigilan mapansin ang mga batang naglalaro sa playground. Mga kerubin ang tawag ni Mama sa kanila. Naikuwento niya kung gaano raw kami katahimik nung mga bata pa kami. Wala siyang maalala na nagkulit kaming maglaro sa playground. Wala siyang maalala na pagkakataong nagpapahabol kami sa kanya tulad ng ginagawa ng mga bata na biglang tumatakbo para maglaro. Hindi na rin niya mararanasan na habulin kahit ang mga anak namin. Hanggang saway na lang daw siya.
Bigla niyang ibinilin sa amin na kapag kaarawan niya dalhin na lamang namin siya sa isang fast food na may playground. Gusto niya lang daw kumain ng hamburger habang pinapanood ang mga naglalaro.
“Darating din ang panahon na pwede na akong maglaro diyan. Kapag naputulan pa ako, kasinlaki ko na ang mga bata,” at sinabayan niya ito ng tawa. Hindi ko naalala ang reaksyon nila Papa at Kuya Anthony ang naalala ko nakitawa ako kay Mama.

Kasabay kong pumasok sa ospital ang isang ambulansya. May dalang takot sa akin ang sirena nito. Gumagapang ang pagwangwang na tila nagbibilang ng oras – nagbibilang ng nalalabing oras. Huminto sila sa tapat ng pintuan patungong emergency room. Agad ibinaba ang isang matandang babae na nakahiga sa stretcher nang bumukas ang pinto. Nakalagay ang isang respirator sa ilong niya. Sumasabay sa ritmo ng ilaw at ingay ng ambulansya ang pagtaas-baba ng dibdib ng matandang babae. Sumunod na bumaba ang isang babae. Nakasuot siya ng daster at nawawala ang kanang kapares ng kanyang tsinelas.
Madalas pa ring hinahanap ni Mama ang kapares ng kanyang tsinelas. Huwag daw namin itatapon iyon dahil maari pa rin niyang suotin.
“Ma, tatagan po ninyo,” pahabol na iyak ng babaeng kasama ng pasyente habang inililipat ito sa de-gulong na kama.
Nasa labas ng ospital si Papa. Hindi katulad ng ibang nakaantambay sa may pintuan, hindi niya tiningnan ang dumating na ambulansya. Patuloy lang siya sa paghimas sa sigarilyong hawak. Kinapa niya ang bulsa at nang napansin na wala ang hinahanap ay siyang pagtingin niya sa katabing guwardiya. May sinabi siya sa katabi na sinagot naman ng isang kibit-balikat.
“Pa,” pagtawag ko sa kanya.
Ngumiti siya nang makita ako. Paanyaya na lapitan ko siya.
Pitong taon ako noong unang umalis si Papa patungong Saudi. Malaki nga naman ang alok sa kanya bilang inhinyero sa isang construction firm. Taon-taon siya nakakauwi para makasama kami madalas tuwing Pasko. Isang beses sa isang taon. Inaasahan ko na ngayong taon hindi namin siya makakasama tulad noong unang naputulan si Mama.
“Papabili sana ako sa’yo ng layter pero huwag na,” bungad ni Papa nang nakalapit ako sa kanya. Sa labas ng bahay namin naabutan si Papa na naninigarilyo tuwing uuwi kami ni Kuya mula sa mall matapos niya kaming bigyan ng panggastos doon. Ilang upos ang makikita naming nakakalat sa tapat ng bahay. Hindi siya magsasalita matapos kaming magmano. Inaasahan namin na sa loob, naroroon si Mama nag-aayos ng kalat.
“Akyat po muna ako,” sabi ko sa kanya.
“Dito ka lang muna,” matipid niyang sagot. Patuloy pa rin niyang hinihimas ang sigarilyo. Hindi ako umalis sa tabi niya.
“Mag-kokolehiyo ka na pala sa susunod na pasukan,” nawika niya matapos putulin ang kaninang hinihimas. Nahulog ang mga pinong tabako sa semento. “Ano ang balak mong kunin?” pagpapatuloy niya. Inilagay niya sa bulsa ang binaling sigarilyo. Inantay kong matapos ang pagpagpag niya ng kamay bago ako sumagot.
“Hindi ko pa po alam. Siguro nursing,” matipid kong sagot.
“Sana maabutan pa ni Mama ninyo ang pagtatapos mo. Sana siya ang una mong aalagaan.”
Hindi ako umimik. Hindi ko masabing ‘sana nga po’.
“Yung Lolo ninyo, wala pang tatlong taon nang naputulan nang namatay siya.” Hindi ko na nakilala ang Lolo. Buntis sa akin si Mama nang mamatay ang tatay niya.
“Kanina nag-away kami ni Mama mo,” wika ni Papa. Ngayon ko lang narinig kay Papa ang salitang ‘nag-away’. Parang may kaakibat na karahasan ang salitang ito na ayaw niyang iparinig sa amin.
“Sinabi ko sa kanya na mukhang hindi na ako makakabalik sa Saudi. Nalugi ang may-ari ng firm. Napolitika kasi. Lahat ng mga nagtratrabaho roon napapagkamalang kaalyado ng mga terorista. Mahirap na rin ang lumipat sa ibang kumpanya. Dito na lang ako, sabagay may ipon naman ako para makapagsimula ng negosyo,” tuloy-tuloy na pagsasalaysay ni Papa.
“Malaki rin ang makukuha kong separation pay. At least magkakasama na rin tayo rito,” pagpapatuloy niya.
“Yun po ang pinagtalunan ninyo ni Mama?” tanong ko sa kanya.
Isang tango ang isinagot ni Papa. Kinapa niya sa bulsa ang pinutol na sigarilyo.
“Gusto niyang bumalik ako. Sinabi niyang mas magastos tayo ngayon lalo na’t papasok ka pa sa kolehiyo,” pagpapatuloy niya. “Natatakot din siya alam mo yun.”
Muli kong sinulyapan ang ambulansya. Muli itong umalis pero hindi bukas ang sirena nito. Sinundan ko ito ng tingin habang papalayo sa ospital. Huminto muna bago lumiko. Naninigurado ang ambulansya na wala itong mapapahamak sa kanyang pag-alis.
“Kahit pabiro niyang sinabi na kahit kailan hindi na magpapantay ang mga paa niya sa lupa, nararamdaman ko pa rin ang takot niya,” pagpapatuloy ni Papa. “Natatakot siya hindi para sa kanyang sarili kundi para rin sa inyo.”
Tumango ako sa sinabi ni Papa.
“Puntahan mo na siya, baka may kailangan sa’yo. Uwi muna ako para makapagpahinga,” utos sa akin ni Papa. Mag-aayos si Papa ng mga gamit niya. Ilalabas ang mga bagong sapatos na para sa amin ni Kuya, ang prosthetic leg na binili niya kay Mama at ilang bagong damit para sa amin. Bago ilagay ang mga dalang alak sa estante, titingnan niya muna ito, aalisin ang pagkatakam sa pagbasa sa alcohol content.

Hindi ko alam kung may sapat akong lakas na sabihin kay Mama na handa akong magpahinga ng isang taon bago pumasok sa kolehiyo. Hahayaan ko munang makatapos si Kuya Anthony. Sasabihin ko rin na payagan na rin niya si Papa na manatili rito para may katulong ako sa pag-aalaga sa kanya. Kung magiging problema ang pera handa rin akong magtrabaho, kahit crew sa fast food restaurant.
Pero alam kong hindi papayag si Mama.
Naamoy ko ang amoy ng ospital. Anlinis sa pangamoy pero may dala-dalang hilakbot. Isang malalim na paghinga ang ginawa ko bago binuksan ang pinto. Alam ko ito bilang isang kaputol ng pamilya na ito lang ang maitutulong ko, bahala na.

Posted at 02:18 pm by nosferatujoe
Make a comment  




Thursday, May 01, 2008
[Update] Hi I'm En and I'm Alcholic

Minsan lang mangyari na masasayaran ng alak ang lalamunan, tiyan, at bituka ko nang halos walong araw. Nangangamba nga akong maging isang tuluyang bisyo na ang paglalaklak ko, isang bisyo na nangangailangan ng support group tulad ng Alcoholic Anonymous (AA) upang masugpo. Noong mga nakaraang araw na tuloy-tuloy ang pag-inom ko, isang sadyang pagdidikta iyon sa sarili na kailangan kong magpakasaya kahit papaano. Itapon ang pangangamba sa pagpasok sa bagong karera, itapon ang suliraning maaring kaharapin lalo na sa pinansyal na aspekto na dulot ng pagiging tambay.

Matapos ang huling araw sa trabaho, binasag ko ang nakasanayang pagpapakain sa despidida. Naimpluwensyahan na rin ng mga laklakero sa team ang ilang hindi manginginom kaya imbes na pansit, pichi-pichi, at barbeque, Red Horse ang naging handog ko sa kanila sa aking pag-alis sa opisina. Hindi pa kami nakuntento sa may Grilla, nag-videoke kami sa Cubao para masulit ang gabi hanggang sa datnan kami ng umaga. Wasak na ako nang makauwi, pero imbes na matulog, naligo ako para pumunta ng pier para habulin ang barkong papuntang Bacolod. Hindi ko na rin maalala kung saan ko nailapag o nahulog ang ilan kong pera (wag nang magtanong, mababd-trip ako).

Sa Superferry 1, hindi ko na namalayan ang pag-alis ng barko. Basta natulog na lang ako. Tulad ng inaasahan ng mga ilan kong kakilala, alam nilang inom ang pupuntahan namin dun ng ka-LIRA at katoma kong si Charles. Nang mahimasmasan ako sa amats, nilibot namin ang buong barko na kung tutuusin kaya naming libutin na wala pa sa labinlimang minuto. Tumambay sa may sundeck, tiningan ang kalawakan ng dagat, ang paglubog ng araw kung saan inaalam namin kung asan ang hilaga. Pagdating ng gabi, tumambay kami sa may kainan ng barko, nakinig sa medyo sintunadong mang-aawit, sa mali-mali nilang pronunciation ng mga lirikong Ingles. Nakakaengganyo ang mga mesang pinupuno ng mga pitsel ng serbesa at pumuputok na tsitsaron. Kahit dolyar ang presyo ng pitsel ng beer gayundin ang malaking patong sa Dingdong mixed nuts, napilitan kaming uminom. Isang paghahanda sa mahaba-habang tagayan na magaganap sa Bacolod kasama ang mga kapwa namin co-fellows.

Umaga nang dumating kami ng Bacolod. Mahal ang taga sa amin ng taxi driver papuntang University of St La Salle, kaya napilitan kaming mag-commute. Isang paraan na rin yun para maging pamilyar kami sa lungsod. Ibang-iba ang hangin sa Bacolod, mas vibrant ang dating nito kumpara sa Manila. Umaga pa lang, ramdam mo nang nakangiti ang mga tao. Nandoon din siyempre yung accent nilang malumanay. (Minsan akong nanood ng local news program nila kung saan ginagaya nila ang authorative na pagbabalita nila Mike Enriquez at Ted Failon pero hindi nilang maiwasan na pumilantik ang malumanay na accent). Akala namin ni Charles kami ang nauna sa Balay Kalinungan, ang pagdadausan ng Iyas Creative Writing Workshop, pero mas nauna sa amin ng ilang hakbang si Mar dela Cruz, isa ring fellow para sa Filipino fiction at kasama rin sa barko pero hindi namin nakita. Matapos ibigay ang mga kuwarto namin, nagpahinga kami at siyempre nilibot ang eskuwelahan gayundin ang mga kalapit establishment doon. Unti-unti nang nagsidating ang mga fellows, at ilan sa kanila ay mga kakilala ko na. Instant bonding kaagad kami kaagad nila Charles (ka-LIRA), Mitch Cerda (nakilala noon sa Ateneo National Writers’ Workshop), Margie de Leon (co-fellow ni Mitch sa ilang writers’ workshop at nakilala ko rin sa Ateneo), si Carlo Flordeliza (kaibigan at kasama sa Malate ng madalas kong kainuman na fellow sa LIRA si Christa) at si Ida Del Mundo (gf ni Carlo, buti wala silang LQ at walang nagbasag ng lampshade sa ulo). Patok siyempre yung mga pop culture references namin dahil halos magkakaedad lang kami tulad nila Susie and Geno, etc etc. Nag-aadjust din kami sa lugar at malaki ang tanong namin ukol sa mga mala-lapidang plake na nakadikit sa bawat kuwarto. Halos iyon ay may mga nakasulat na ‘In Memory of …’ kaya nagkakatakutan na rin halos. Bago pumunta sa bahay nila Doc Elise Coscuela halos nag-ipon-ipon na rin kami sa may lobby. Si Jeff Yap (English Fiction) na lang ang kulang halos sa mga fellows na kinabibilangan namin (En (Filipino Poetry), Charles (Filipino Poetry), Mitch (Filipino Fiction), Margie (English fiction), Carlo (English Fiction), Ida (English Poetry), Mar (Filipino Fiction), Jessel Duque (English fiction), Hedwig de Leon (English Poetry), JV Perez (Hiligaynon Fiction), JM Acut (Sugbuanon/English Fiction), Jonathan Siason (English Fiction) at Yvonne Esperas (English Poetry) kaya hindi pa kami makaalis. Naikuwento ko yung isang gumagalang balita ng mga kidnapper na nangunguha ng mga bata at kinukuha ang mga laman-loob ng mga ito. Puting van ang palatandaan ng sasakyan ng mga kidnapper, kaya noong paalis na kami medyo creepy ang experience dahil ang sasakyan namin papunta kila Doc Coscuela ay puting van. Sa buong biyahe katuwaan na ang magtanungan kung buo pa ang mga kanya-kanyang kidney. Kila Doc Coscuela, binusog kami ng paella at ilang putahe na hindi ko alam ang pangalan basta masarap sila. At siyempre, may lechon din na inihanda, at ang masarap sa lechon, ang uminom ng beer. Kaya sa unang gabi namin sa Bacolod, nasayaran ng alcohol ang mga tiyan namin. Wala na kaming pangamba na kunin ang mga kidney namin dahil dysfunctional na iyon kapag mailipat sa ibang katawan. Kumbaga ‘Alak pa!’ ang unang isisigaw ng masasalinan ng aming kidney.


Nahirapan akong matulog sa una naming gabi sa Bacolod. Namamahay ang tawag nila doon. Hindi ata naging sapat ang nainom ko ng gabing yun para makatulog ako. Kinaumagahan nakabuo kami ng code para makabili ng maiinom. Tawag namin sa alak nung nasa Ateneo Writers’ Workshop kami ay toothbrush (nawala ang sepilyo ko at kung makakabili kami nito isasabay namin ang pagbili ng alak), ngayon load ang ginawa naming pagtawag sa alak. Ilang araw pa ay mabubuo ang Txtm8rs Lexicon, ang official code para sa mga manginginom ng Balay Kalinungan. Matapos ang unang araw ng intense katayan (yung mga moments ng katayan iwan na natin sa documentation ni Miss May Ann) mula sa mga panelist na sila Doc Coscuela, Ma’am Marj Evasco, Doc Tony Tan, Sir Danny Reyes, Sir John Teodoro, at Ma’am Gen Asenjo naghanap kaagad kami ng load. Sinimulan namin sa pinakamalapit na convenient store pero wala hanggang sa makarating kami sa may Bacolodnon Supermarket. Tila paghahanap sa banal na kalis ang paghahanap sa alak. Siyempre, binabalak namin na ang Balay Kalinungan ang gagawin naming cellsite kaya kailangang ipuslit papasok sa unibersidad ang mga load. Tila isang utos ng hari ang salitang ‘Iyas’ sa mga guard doon (pati na rin yung yosi na bawal sa USLS ay nagagawa ng mga kasama kong humithit na walang iniintinding pagbabawal). Sabi nga ni Carlo, sa susunod dadala na kami ng shotgun at sasabihin naming ‘Iyas’para makapasok na walang tanong-tanong. Sa mga sumunod na gabi, ganito palagi ang ginagawa namin. Pupunta kami ng Bacolodnon Supermarket. Bibili ng alak, ilalagay sa bag ni Margie at papasok sa USLS at sasabihin ang magioc word na ‘Iyas’.

Madalas na napag-uusapan sa inuman ay pop culture kasama na ang musika, pelikula, pati telebisyon, debate sa kultura at sining, at mga psychological tests ni Margie. Gabi-gabi iyon hanggang Biyernes ng gabi. Nang umaga ng Sabado, hirap na ako tumayo. Sumipa na yung alak (apat na Emperador at may naipseed dial na chaser kaya naging malamig na San Mig 3 in 1 coffee ang naging dial namin nung huling gabi). Sa buong Iyas experience namin hindi kami nalalate sa discussion at nagagawa pa naming mangatay kaya tolerated ang pag-inom namin doon. Papuntang Mambukal Resort, baliktad na ang tiyan ko. Lahat nang nakakain ko, naiduduwal ko. Sa dipping pool na isang hot spring, natanggal yung amats ko. Kasabay ng mainit na tubig ay ang pagtingin sa mga lumilipad at/o nakasabit na mga kabog. Pero pagkabalik sa Balay Kalinungan, diretso ako sa kama hanggang sa magdilim. Noong gabi, sa Manukan Country kami kumain. Siyempre di sulit ang Bacolod experience kung wala ang Inasal experience. The best talaga ang isol na sarap na sarap ako sa pagpapak, naghanap ako ng malamig na serbesa pero inisip ko na rin na tama na ang kaiinom. Bibigyan ko ng tuldok ang laklak session ko ng araw na iyon, at simula nung araw na iyon hanggang ngayon di nasasayaran ng kahit anong alak ang lalamunan ko.

Paging, Txtm8rs, kelan ulit tayo magloload. Sa susunod Smart naman tayo. Suggest na kayo ng cellsite natin.

Official TXTM8RS Inuman Lexicon

Load – alak/alcohol
Magload – tumagay
Dial – chaser
Magdial – uminom ng chaser
Text – pulutan
Deadbat – nagsuka
Lobat – tahimik
Charging – tulog
Cell site – inuman/lugar
No network coverage – walang mahanap na lugar
Line – free flowing alcohol
Pasa-load – tagay nang kaunti
All text – puro pulutan
Speed dial – matakaw sa chaser
Missent – naitagay sa mali
“wer n u” – “nasaan na ang tagay?”
“d2 n me” – “narito ang tagay”
sun – gin
globe – grand matador/hard
smart – san mig/beer
Vodafone – wine


Posted at 03:26 pm by nosferatujoe
Comments (5)  




Next Page



   





<< December 2016 >>
Sun Mon Tue Wed Thu Fri Sat
 01 02 03
04 05 06 07 08 09 10
11 12 13 14 15 16 17
18 19 20 21 22 23 24
25 26 27 28 29 30 31

Sources of Knowledges

  • Electronic Encyclopedia

  • De-kuryenteng Dyaryo ni Gates

  • Diyaryo sa Net

  • Mga Tula at Makata

  • Tula para sa Kinahong Alamat

  • Diyaryo sa Net

  • Panitikan Para sa Bayan

    Mga Kapanalig

  • Marie, the Muse, the Diva

  • Oliver, the Saint Vladymir

  • Coreen, Sue Len in California

  • Allan and Jane, the Jacklyn Jose Admirer

  • Ian, The Cursed

  • Dong Abay, Ang Bagong Flipino

  • Kiko, LIRA

  • Mary Ann, Ang Umiiyak na Alitaptap

  • Mark Angeles, Soulfly

  • Charles, Katomang Siquey

  • DodoBird's Music Review

  • Apartment ni Mykel

  • Sarah Crespo, ang Muse sa Avenue

  • Nostalgia Manila

  • I Love Honey ni Elaine

  • Waytbord nila Ergoe en Nanoy

  • Mga Murmur ni Ninong

  • Sushi Journal ni Eunice

  • Ronald, The Wind-Up Tool

    Music, the Food of the Hungry Thoughts

  • Bridge

  • Coffeeshop Conspiracies

  • Daydream Cycle

  • Acid 42

  • Hellbender

  • Kinkyhooters

  • Drip

  • Updharma Down

  • Brian Cua

    SONG OF THE MOMENT


    Habulan - Sound


    ganito pala ang mundo
    matulin ang takbo
    laging naghahabol sa pangako
    bilisan, bawat hakbang
    nahihilo
    isang ulila sa gitna nitong gulo

    sari-saring damdamin
    halu-halong hangarin
    naghahabulan

    tagumpay nalumbay
    sa kamay ng kapalaran
    o taya ka na naman
    takbo, takbo, sana’y makarating
    sa wakas ng pagkatuliro
    sa pag-ikot nitong daigdig

    habol nang habol

    pagkakataon di palalagpasin
    di magpapahuli kahit sandali
    huwag na sana maiwan muli

    bilisan, bawat hakbang
    may dalang pag-alinlangan
    papunta, pabalik
    nagbibilang ng saglit, heto na
    ba’t lagi pang natataya?

    manipis ang silip ng buwan
    di namamasdan
    ang paglipas ng oras
    nangangapa pa rin sa dilim

    habol nang habol
    sana’y makarating









  • Contact Me

    If you want to be updated on this weblog Enter your email here:




    rss feed